Saturday, January 19, 2013

0 Crossroads


Sa matagal na panahon, ngayon ko lang muling binalikan ang blog ko na ito. Mag-iisang oras na ako ngayong binabalikan ang mga dati ko na isinulat dito. May ilan na nakakatawa (o corny talaga) na halos hindi ko maisip na nasikmura ko magsulat ng ganun dati. Iyung iba naman, feeling importante ako para pag-usapan ng iba. May tungkol sa mga naging experiences na iyung isa eh medyo weird at di ko na maalala kung may ganung nangyari dati.

Pero mas marami sa mga naisulat ko dati ay tungkol sa pagiging estudyante ko lalo na iyung stint ko bilang iskolar ng bayan,buhay pag-ibig (ehem), at ilang napakadramang tagpo sa buhay ko. Actually, marami sa mga naging post ko dito tungkol sa mga nakaraang pag-ibig ko ay binura ko. Bahagi na rin para makalimot noon o kaya dahil hiniling na din nila. Marami rin ang tungkol sa pamilya ko dahil batid ng ilan sa mga malalapit sa akin na kung mayroon mang bagay na madali akong bumigay, ito ay kung ano man ang mangyayari sa aking pamilya.

---

Sa isang bahagi, ipinakita ng blog ko na ito ang lahat ng mga pinagdaanan ko sa nakalipas na pitong taon. Sa pagbabalik ko para basahin ito, nakita ko na hindi pala biro ang mga pinagdaanan ko para sa narating ko ngayon. At gaya rin ng iba na maraming pinagdaanan, hindi madali na isuko ang lahat dahil sa mga nagiging kahinaan natin sa kasalukuyan.

Mag-iisang taon na mula nang tinalikuran ko ang lahat. Ang magandang buhay na ipinapangako ng naghaharing sistema. Ang comfort ng bahay na aking nakasanayan. Ang maaliwalas na buhay sa piling ng pamilya. Isang taon na ito ng sakripisyo at pagpupursigi na paglingkuran ang sambayanan.

Hindi ko ito ipinagyayabang. Kahit sino naman, wala siyang maipagmamalaki hangga't hindi dumarating ang oras ng kamatayan. Doon pa lang masusukat ang mga naging ambag mo para sa lahat. Umiiral lang ngayon sa akin ang pagbabalik tanaw sa nakaraan. Ang malaking pagbabago ng lahat mula noon.

---

Naalala ko sa ganitong eksaktong panahon din, humaharap ako sa matinding dilemma. Matinding takot ang nararamdaman ko noon. Matinding pressure. Nakaharap ako sa pagpapasyang sumulong o umatras.

Ngayon, ganito muli ang aking nararamdaman. Nakakainis siya na nakakaiyak. Nakakainis dahil napakatindi ng atake ng naghaharing sistema sa mga mamamayan. At mas higit pang doble ang tindi nito sa mga taong nais magpanibagong hubog sa paglilingkod sa masa at baguhin ito mula sa kanyang pinaka ugat. Nakakaiyak dahil naiisip mo ang mga kasamang naghihirap din ang kalooban pero mapagpasyang sumusulong sa kabila ng lahat.

Mahirap din ito sa kalooban ko dahil alam ko naman ang dapat gawin. Subalit, natatakot na akong harapin ito. Sa mga kasama, patawad, pinanghihinaan ako ng loob ngayon. Minsan iniisip ko na wala na akong mukhang ihaharap lalo na sa masa subalit nariyan pa din kayo para palakasin ang aking loob. Na ang lahat ng ito ay bahagi ng lahat.

Ang kailangan lang, bumalik tayo sa una nating pagtaya. Sa dahilan ng lahat kung bakit natin nais paglingkuran ang sambayanan at baguhin ang lipunan.


Hanap Ko
(TABAK)

Hanap ko’y ligaya’t kaunting tahimik
Sa luwag at sagana ay sabik
Pagod na ako sa daang matinik
Pagod na ako sa kahihibik

Hanap ko’y pirasong lupain sa bundok
Tanaw sa malayo ay look
Pagod na ako sa daang magabok
Pagod na ako sa mga pagsubok

Sa init ng digma, ako’y nanlamig
Nanlumo ang diwa’t nanlambot ang bisig
O, tila kay daling naiwan na lang ang pinagsimulan
O, pinagmumultuhan ng alaala ng kinabukasan

Saan man mapunta’y di matakasan
Ang taghoy ng bayan na kalayaan

Hanap ko’y hinahon sa gitna ng unos
Na liwanag sa dilim ay lumagos
Pagod na sa kahihinto sa daan
Pagod na ako sa kaaalangan

Hanap ko’y lakas at kaunting tangkilik
Na dating tibay ng loob ay bumalik
Pagod man ako’y di mananahimik
Pagod man ako’y muling iimik

Hanap kong sa daan patungong kalayaan
Na bawat hakbang ko’y mabagwisan

1983, Baguio

signature

Wednesday, June 27, 2012

0 Random Thoughts



"Sa ngayon may mga anak pa rin na kailangang lisanin ang kanilang mga magulang upang lumaban para itayo ang isang lipunang tunay na malaya at masagana. Kaya't nasa mapagpasya nilang pagkilos kung kailan ipagtatagumpay ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng mga mamamayan upang dumating ang panahon na waka nang mga anak na kailangan pang lumisan."

- May 2012

signature

Friday, June 22, 2012

2 Dalawang Taon


Nakakatawang isipin na eksaktong 23 buwan matapos ang huling post ko sa blog na ito ay may malaking pagbabago na naganap sa buhay ko. Malamang sa mga panahon din na iyon, hindi ko akalain na kaya ko siyang gawin. Pero mukhang isang "premonition" ang nais ipahiwatig ng larawang ipinaskil ko sa post na iyun. Nasa harap ako ng mga estudyante. May hawak na mikropono at tumatalakay ng pambansang kalagayan ng kalikasan. Unang beses ngunit nasundan pa ng marami pang iba hanggang sa aktwal na paglubog sa isyu na ito at pakikiisa para sa pakikibaka rito.

Dalawang taon na ang nakalipas. Marami nang nagbago. Mga pagbabagong hindi ko akalain na mangyayari. Pero ang lipunan, hindi pa rin nagbabago. Ngunit ang blog na ito ay magiging saksi sa mga pagbabagong magaganap sa mga susunod na araw.



signature

Sunday, February 13, 2011

1 2011

Matagal na namang nabakante ang blog na ito. Sa mga susunod na araw ay pipilitin ko na punan ito ng mga bagong posts. Hanggang sa susunod na mga araw! :)

signature

Friday, November 12, 2010

1 Blog Action Weekend!

This week's theme: Enrollment & First Day Horror Stories.

You may use the picture below for you posts:

Like, submit and share your entries on our Facebook Fan Page: http://www.facebook.com/education4all

signature

Saturday, October 30, 2010

1 Malalim at Magulo

Mula nang marami akong matutunan pa sa mga bagay-bagay sa mundong ito, unti-unti ko nang kinalimutan ang pangarap ko na maging presidente ng Pilipinas. Opo. Mula noong bata pa ako, ito na ang pangarap ko. Ewan ko ba. Siguro dahil na rin sa maaga ko na pagkamulat na may AM radio pala at madaming problema ang Pilipinas. Lagi ko pa naririnig noon na si ganyang presidente kasi ay hindi ginagawa ang trabaho niya at may mga kung sinu-sino na lagi na lang nagrarally diyan.

In fact, galit ako sa mga aktibista noon. Hindi naman galit na gusto ko na sila mawala kundi iyun bang iniisip ko na akala mo kung sino silang magaling. Sabi ko pa nga, eh kung sila kaya ang lumagay sa gobyerno. Palagay ko eh papalpak din sila kasi puro lang sila ngawa at gulo. Ito ang ilan sa mga biases ko noon na buong pusong nilulunok ngayon dahil nasa kalagayan na nila ako.

Sa ngayon, mas na-realize ko na higit sa kanilang pag-ngawa at 'pangugulo', sila lamang ang may bukod tanging konkreto, malinaw at lapat sa lupa na mga solusyon sa mga problema ng lipunan. Ang problema nga lang, hindi sila (o kami) pinapakinggan. Ano ba ang mali na dagdagan ang budget sa edukasyon o ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka? Sa tingin kasi nila mali. Lalo na iyung mga may hawak ng yaman at kapangyarihan ng bayan natin. Hudyat iyon ng pagkawala sa kanila ng kapangyarihan at yaman na mapupunta naman sa mga taong tunay na nagmamay-ari nito.

At dahil nga sa marami pa akong natutunan at nalaman dahil sa mas malalim na pag-aaral, marami akong mga bagay na pilit binabago sa aking sarili. Mahirap. Lalo na't dalawang dekada akong lumaki ng ganito. Maraming panahon na tinatamad ako. O gusto na lang magpakasarap sa buhay. Pero pilit ko na nilalaban ito ngayon. Lagi ko iniisip na sa kabila ng kinkaharap ko, may ibang tao na mas malala ang nararanasan kaysa akin.

---

Nakakatawa nga minsan, kapag sobrang hirap na ng pakikipaglaban ko sa mga personal ko na kahinaan at kabulukan, umaawit ako ng mga alam ko na makabayang awitin o di kaya sumisigaw sa isip ko na may ganitong esensya: "masisira ang rebolusyon kapag nagdala ako ng kabulukan ng aking pagkatao. kailangan ko itong bakahin. makibaka para sa pambansang demokrasya! mabuhay ang rebolusyon!"

Pero hindi siya biro. Mahirap pero kapag napagtagumpayan, ibang klase ng fulfillment ang mararamdaman. Naisip ko tuloy, ito ba ung sinasabi nila na 'walang Diyos na mga aktibista'? Kung wala silang Diyos, o ni sense ng moralidad, bakit nanaisin nila ng pagpapanibagong hubog? Bakit nila lalabanan ang kanilang mga kahinaan na sumisira sa buhay nila at sa kanilang paglilingkod sa sambayanan?

---

Sa kabila ng aking pagpupumulit na magpanibagong-hubog upang makapaglingkod sa sambayanan, hindi ko pa rin maiwasang bumalik sa dati. Maraming pagkakataon na gusto ko na lang isipin na wala naman ako maibibigay na kahit ano. Oo nga matalino ako (sabi nila). May potensyal. Pero hindi ko nakikita ang sarili ko sa sitwasyon na marami akong magagawa dahil noon pa man, kung hindi man ako palpak o walang pagkakataon na gawin ang nais ko, ako mimso ay hindi bilib sa mga magagawa ko.

Oo, napakababa ng pagtingin ko sa sarili ko. Pangit. Magulo ang isip. Pabago-bago ng desisyon. Walang direksyon ang buhay. Minsan nga nagtataka na nga ako kung totoo ba ung sinsasabi ng ibang tao sa akin o gusto lang nila ako i-gudtaym. Dahil hindi ako naniniwala na totoo ang sinsabi nila tungkol sa akin - lalo na kung maganda ito sa aking pandinig.

Sino ba naman ako? Isang matangkad na lalake (o napagbintangan na ring bakla) na hindi marunong maglaro ng basketbol at isang nerd. Iyun lang. Wala nang iba.

May nagsabi na sa akin noon na napaka-negatibo naman ng pagtingin ko sa aking sarili. Sabi ko, nagpapakatotoo lang ako. Ewan ko kung pagpapakatotoo pa ba ito o isa nang malalang sakit ng pag-iisip.

Kaya sa lahat ng bagay, mula sa pag-aaral, pag-ibig, pamilya at pakikibaka, kung pumalpak man, wala akong ibang sinisisi kundi sarili ko. Ang tanga-tanga ko. Ang torpe-torpe ko. Ang gago ko.

Sa totoo lang, may mga pagkakataon na sumusuko na lang ako at lahat na lang biglang guguho. Ayaw ko nang mag-aral. Ayaw ko nang makita ng kahit sino. Ayaw ko nang mabuhay.

Ilang beses na sumagi sa isip ko ang magpakamatay, pero sa kabutihang palad, hindi ko pa rin ginagawa.

Sigurado marami na naman ang magsasabi na napaka-emo ko naman. Pasensya na. Galit na naman kasi ako sa sarili ko.

---

Pero ewan ko kung masyado ko bang niroromanticize ang pagiging aktibista pero sa pagpili ko nito, kahit papaano nagkaroon ng direksyon ang buhay ko. Kahit papaano nagkaroon ng silbi kung bakit ako gumigising tuwing umaga at papasok sa skul. Pero siyempre, alam ko na marami diyan ang hindi sasang-ayon.

Sasabihin na ang pagiging aktibista ay isang bagay na sumira ng buhay ng marami nang kabataan noon at nagpapatuloy sa pagsira ng mga 'magagandang pangarap' ng kanilang mga magulang. Maraming pamilya ang sinisira nito.

Hayaan na natin ang iba na pabulaanan ang mga maling pananaw na ito. Pero para sa akin, ang mga bagay na kinakaharap ko ay isang pagpapatunay na mali sila.

Oo nga't hindi sang-ayon ang mga magulang ko sa ginagawa at gagawin ko pa pero sa tingin ko naman, nakikita nila na kahit papaano, di gaya noon, mas pursigido na akong ayusin ang pag-aaral ko. Ewan ko lang, pero siguro eto na lang iyung huling bagay na nais kong patunayan sa lahat. Na sa kabila ng mga palpak na mga nagyari sa akin noon, sa pinili ko ngayon, hindi na ako papalpak pa.

---

Sa ngayon, wala pa rin akong makitang masyadong pagbabago sa sarili ko. Pero di gaya noon, may ginagawa na ako kahit paano para magbago ang lahat. Mahirap. Magulo. Malalim. Sana lang ay kayanin.

Kung hindi man, sana ay kunin na lang ako ng basta. Mawala sa mundo na parang hindi ako nakilala ng kahit sino. At walang iiwang kahit anong ala-ala at bakas ko. Dahil parang wala lang naman ako. Parang bula na biglang lumilitaw at bigla rin na mawawala.

Pero sana naman, makagawa ako ng kahit isang tama at sana itong pinili ko ay ang tama na gagawin ko.

Sabi ko nga kanina: "masisira ang rebolusyon kapag nagdala ako ng kabulukan ng aking pagkatao. kailangan ko itong bakahin. makibaka para sa pambansang demokrasya! mabuhay ang rebolusyon!"

hardcore. :)

signature

Friday, October 15, 2010

2 Isang Tula

Matagal nang tigang ang blog na ito sa aking nagdurugong mga salita. Kaya ngayon, nais ko na ibahagi ang isang tula ng pamamaalam na aking sinulat sa una't huli naming pagkikita. Kung sino man siya o kung kilala mo man siya, hayaan na natin ang lahat. Tapos na ito. Hindi matatapos ang buhay sa kanyang pagkawala.

May isang mapulang bukas pa ang naghihintay sa ating lahat - sa pagsibol ng tagumpay ng ating mga laban.

Ipagpatawad ang kahibangan sa mga linya. Patawad din kung may nilabag na mga 'batas' ng literatura. Ipagpatawad ang pagbubura sa kanyang pangalan. Dala lamang ito ng bugso ng damdamin na kumwala sa mga oras na iyon at ngayo'y unti-unting iwawaglit at ihinuhupa para matahimik ang lahat. :)

Ang tulang ito'y walang pamagat dahil sa hindi ko kayang ikahon sa iilang salita ang nilalaman ng aking damdamin.

Sa iyo rosas ng aking paningin
Pagtangi ko nawa'y dinggin.
Ikaw na anghel na biyaya ng langit
Isang musa na marapat mahalin

Nagdaang puno ng hinanakit
Pilit nilimot, pilit iwinaglit
Upang ang pag-ibig na para sa'yo tangi
Aking maipaabot, aking maiparating

Ngunit muli lahat ay walang pinagbago
Pagkahumaling nauwi sa pagkabigo
Pilit man kitang ipaglaban at 'wag isuko
Sinasabi ng panahon: tama na, isalba ko ang aking mundo

Sa kabila ng lahat pasasalamat ay walang hanggan
Muli mo akong minula't binuksan ang kalooban
Na sa kabila ng sugatang nagdaan
Kaya ko pa rin palang magmahal

Salamat sa'yo ****
At alam ko sa matagal na panahon
Hanggang sa muli kong pagbangon
Dito sa aking puso
Ikaw pa rin ang aking mamahalin

7:49 A.M.
CEU Malolos Library

signature

 

Project Dennio Some Rights Reserved © 2012 - |- Template created by O Pregador - |- Powered by Blogger Templates - |- Content and Visual Modifications by Jose Dennio Lim