Isa akong kapitalista. Tama ang iyong nabasa. Maihahanay na ako marahil sa mga kapitalista ng bayang ito. Mayroon na kasi akong negosyo. Mag-iisang taon na ito. Pero hindi ito pangkaraniwan na negosyo. Una, wala akong puwesto, building o pabrika kung saa pinapatakbo ko ang aking negosyo. Pangalawa, hindi ko pa kailanman nakikita sa personal ang aking mga kliyente't empleyado.
Kasi naman, isa itong online business. Virtual. Kaharap at kausap ko lang ang aking computer. Puhunan ko ay ang 'bagong' 2nd hand na CPU (na parang brandnew na din dahil bago na ang motherboard), 1 mbps (minsan) na internet connection at isang mala-credit card na ginagamit ko para makipagtransaksyon sa internet.
Hindi pa kasma dito ang iba pang operating expenses gaya ng kuryente, tubig at pagkain. Pero siyempre 'di ko na ito problema dahil libre ito sa aming bahay courtesy ng aking nanay at tatay.
Ano naman kinalaman nito sa Blog Action Day ngayon? Teka lang, ngayon pa lang ang punchline.
Gaya ng ginagawa ng karamihan sa mga kumpanya dito sa Pilipinas (courtesy of the law passed by our then Sen. Gloria Macapagal - Arroyo, now our seemingly President Forever), contractual din ang aking mga empleyado. Madalas pa nga ako magpapalit-palit ng empleyado dahil sa palpak na trabaho (plagiarism, nakakamatay na spelling at grammar). Tanggal agad. Wala nang paliwanag. Ako kasi ang boss.
Pero may ilan din naman na nagtatagal. Iyun nga lang, kahit mag-iisang taon na sila, hindi sila mareregular kailanman. Hindi rin naman kasi tuloy-tuloy ang gawa nila. Kaya iwas ako sa pagbababayad ng SSS, Philhealth at kung anu-ano pang mga benefits.
Ang problema nga lang sa ganitong klaseng negosyo, kapag nagkatakbuhan na ng kliyente, ako ang talo - gaya ng nangyari nitong nakaraan. Kaya hanggang ngayon, may utang pa ako sa mga empleyado ko. At ang aking negosyo, bankrupt.
Anu ba ang nangyari?
---
Bukod sa tinakbuhan ako ng aking kliyente, nabubuhay kasi ang aking negosyo sa prinsipyong kung sino ang nagtatrabaho, sila dapat ang may malaking bahagdan ng kita kaysa akin. Kung ikukumpara nga ang aking bayad sa aking mga 'empleyado' sa bayad ng ibang employer, malamang pagtawanan nila ako dahil sa halos 80-20 ang hatian.
Kumikita naman ako. Hindi marami pero sapat na para sa ilang pangangailangan.
Bakit ko ba ito sinasabi? Anong kinalaman nito sa Blog Action Day ngayon?
Dahil sa mga nakikita natin sa mga kumpanya sa Pilipinas ngayon, mas mahalaga pa sa kanila ang kumita ng bongga kaysa bigyan ng sapat na pasahod at benepisyo ang kanilang manggagawa.
Dahil marami sa mga kumpanyang iyan, ginagamit ang contractualization na dahilan para hindi sila magbigay ng benepisyo sa mga manggagawa at kumita ng labis taon-taon.
Dahil maraming manggagawa ang basta na lang tinatanggal ng walang dahilan. Madlas pa ay dahil lamang ipinaglalaban nila ang kanilang karapatan - sapat na sahod at mga benepisyo.
Dahil maraming nagsasabi na nalulugi na sila, pero hindi pa rin nagsasara. Ang konsepto nila ng lugi ay ang hindi pag-abot sa target na kita. Kita na madalas ay 'di mo malaman kung talagang kailangan ba nila o para lang tumaba ang mga bulsa nila.
Dahil para sa mga kailan lang naging bahagi ng sektor ng manggagawa, ito ang kanilang mga haharapin sa paghahanap ng trabaho.
Mababago ba ito? Sa naging karanasan ko na pinilit ko na maging mabuting kapitalista, darating pa din sa punto ng kontradiksyon - na ang negosyo ay nariyan para sa kapitalista at hindi sa kapakanan ng manggagawa.
Pero hindi imposibleng baguhin. Kung hindi mag-uumpisa ang initiative sa namumuhunan, marapat lamang na patuloy na igiit ng mga manggagawa ang kanilang mga karapatan.
---
Note: Sa kasalukuyan ay hindi ko pa rin nababayaran ang aking mga manunulat. Kasalukuyan din na tinatapos ko ang isang proyekto para may maipambayad sa kanila. Ung paunang bayad. Nagamit ko para ipambayad sa aking summer class. Kaya sa aking mga manunulat at kliyente na malamang ay mababasa ito, pasensya na po. Kulang pa iyun pero pipilitin ko na tapusin ang obligasyon ko sa inyo.
No comments:
Post a Comment
Leave your comments, reactions and suggestions below.