Unang SONA Rally

"Only through militant struggle can the best in the youth emerge."

Sabado ng hapon, naisipan ko na sabihin sa aking kapatid ang balak ko na gawin sa Lunes: ang pumunta sa SONA ng BAYAN. Gaya ng inaasahan, hindi siya sang-ayon sa aking plano. Hindi na rin naman lihim sa kanila ang mga nagiging aktibidad ko nitong mga nagdaang buwan (liban sa ilang pagkakataong patago ko itong ginagawa). Pero dahil may kalokohan din siya na pinagtatakpan ko, bilang kapalit, kailangan niya din ako pagtakpan. (*insert evil laugh here*)

---

Dumating ang Lunes ng umaga. Naka-plano na ang lahat: papasok ako sa umaga dahil may mahalagang ako quiz sa isang major subject na magsasalba ng aking grade at liliban ako sa aking klase sa hapon. Sa mga kaklase ko, alam na nila ang aking gagawin dahil na rin sa aking pag-plug tungkol dito sa dulo ng aming report sa isang klase. Pero hanggang sa araw a iyon, tanong pa rin sila ng tanong kung tutuloy ba ako at bakit ako pupunta doon. Si ma'am na aking prof sa major na pinasukan ko ay alam din niya na pupunta ako. (Hi ma'am! :D)

---

Nananghalian kami ng mga kaibigan ko sa isnag fast food chain malapit sa school (alam na ng mga taga-CEU). Sa totoo lang, kahit man lang sa araw na iyon, ayaw ko muna sana kumain doon. Pumasok kasi sa isip ko ang iba't ibang kontradiksyon ng buhay. Habang ako ay kumakain sa isang de-aircon na kainan at gumastos ng 100 piso para sa ilang pirasong pagkain, maraming Pilipino ang hindi nakakakain ng tatlong beses sa isang araw at nabubuhay lamang sa 50 piso kada araw.

Maaaring medyo OA sa iba pero iyun ang katotohanan. Habang ang ilang ay parang ATM kung magpakawala ng pera sa kanilang kamay, maraming Pilipino ang nagtitiis sa hirap dahil sa pinagkaitan sila ng pangunahing karapatan na makapagtrabaho o magsaka sa kanilang sariling lupa upang kumita ng sapat at may maihain sa kanilang pamilya.

Sa bawat bagay na ating gagawin, dapat nating isipin na may kaakibat ito na pagharap sa realidad ng buhay ng ibang tao. Hindi iyung dahil sa maswerte tayo at malas sila.

What a dilemma I had that day. Kaya mga pre, sa nanay na lang ni ate amy tayo kumain lagi ha. :D

---

Alas dose ng tanghali. Habang nag-aabang ng bus sa may kapitolyo. Maraming mga bagay ang pumasok sa isip ko. Sabay sabay silang dumating kaya't wala na akong matandaan maliban sa isa: makabuluhan ba ang aking gagawin?

---

Dumating ako sa rally na naguumpisa na ang programa. May mga talumpati, pag-awit at pag-saayaw. Lahat ay expresyon ng paglalabas ng kanilang saloobin sa bagong rehimen na tila puno lamang ng pantasya't ilusyon na walang pagbabagong idudulot sa bayan. Iba't ibang tao ang aking nakita. Mga estudyante, guro, manggagawa't magsasaka. Hindi ko man sila nakausap at narinig ang kanilang mga kwento batid ko sa kanilang mga mukha ang pagnanais na tunay na makalaya sa kinasasadlakan nilang paghihirap.

Kakaiba pala ang pakiramdam na nakakasama sa mga ganitong pagkilos. Sayang nga lang at di ako nakasama sa pag-martsa. Pero sa maikling oras na naroon ako, ramdam na ramdam ko ang higit pang pangangailangan upang patuloy na lumaban at kumilos para isulong ang tunay na pagbabago. Kailangan pa ang patuloy na pag-aaral ng lipunan at pag-oorganisa ng kabataan upang makiisa sa laban ng malawak at nagkakaisang sambayanan.

---

May isang eksena sa SONA na tumatak sa akin. Nakita ko ito habang nakaupo sa may kalsada. Eksaktong pagtingin ko sa direksyon ng pinanggagalingan ng sikat ng araw, nakatayo sa ibabaw ng dyip ang isang lalake na may hawak na bandila ng KMU. Buong gilas niya ito iwinawagayway. Kung tama ang aking pagkakatanda, sinasabayan niya noon ang pag-awit ng 'Rage' ng bandang The Jerks. Nakaharang siya sa matinding liwanag ng araw at kakaibang sensasyon ang aking naramdaman habang nakikita ito. Sayang at wala akong digicam para maipakita ito sa inyo ngayon.

Sa eksenang iyon, dalawa ang aking naging realizations.

Una, masyadong nakakasilaw ang kulay dilaw na liwanag di umano ng pag-asa. Maningning ngunit nakakabulag. Aakalain mo na may dalang pag-asa pero ang totoo, binubulag ka nito upang hindi mo na lang makita na may bulok sa paligid mo. Isa pa, hindi mo ito kayang matitigan ng diretso. Kaya't kailangan ng magsisilbing pangharang at panlaban sa nakakasilaw at nakakabulag na pag-asang dala ng kulay dilaw na liwanag na nililinlang ang sambayanan.

Ikalawa, ang tunay na pag-asa ay wala sa liwanag na nagmumula sa itaas. Ito ay magmumula sa liwanag na nasa likod ng lumalaban na sambayanan. Ang sambayanan na handang ialay ang kanilang buong buhay para ipaglaban ang kanilang mga pangunahing karapatan na ilang daang taong ipinagkait. Ito ay magmumula sa atin - sa sama-sama nating pagkilos para itulot ang tunay na pagbabago. Tayo ang maglalantad ng kabulukan ng lipunan. Tayo rin ang magapapnibago dito.

---

Marami ang hindi nakakaunawa kung bakit kailangan ko na gawin ito. Simple lang naman. Tinapos ko na ang panahong sarili ko na lamang ang aking iniisip. Noong gabi bago ang SONA, may nabasa ako na ilang mga artikulo na nagbigay liwanag sa akin kung bakit ba kailangan pa ang mga pagkilos na gaya ng naganap noong Lunes. Sinabi sa isang artikulo, 'ilang taon na kayong walang paki-alam, wala namang napapala.'

Lumalaban ako dahil hindi ko na kaya ang manahimik. Hindi ko matiis na habang komportable ang aking buhay, milyong Pilipino ang naghihirap. Bahagi na rin ito ng aking pagsisisi na hindi ko sineryoso ang aking pag-aaral noon. Nasa magandang unibersidad na ako, pero hindi ko pa inayos ang buhay ko. Ngayon, pilit ko na binabawi ang lahat. Alam ko na kulang pa. Pero sa bawat hakbang na aking gagawin, ang lahat ay inaalay ko para sa ikatatagumpay ng laban ng sambayanan at para sa tunay na pagbabago't kalayaan.

Alam ko na maaaring walang silang pakelam sa gagawin ko. Pero alam ko na balang araw, kapag nakamit natin ang tagumpay, silang mga walang pakialam sa mga ginagawa natin ang magpapasalamat dahil 'di tayo yumukod sa mga mapang-api't makapangyarihan. Magpapasalamat sila dahil nanindigan tayo para magkaroon sila ng magandang kinabukasan.

Sa ngayon, tila walang kabuluhan ang lahat. Hindi tayo pinapakinggan. Pero hindi naman nadadaan sa mabilisan ang lahat. Hindi nadadaan sa isang eleksyon. Hindi nadadaan sa dalawang EDSA. Dahil nakita naman natin ang nangyari noon. Balik sa dati. Kaya kailangan ang patuloy at masikhay na pagkilos. Unti-unti, ang bawat hakbang at mga kasamang bumagsak, ay tungo sa pagkamit ng ating tagumpay.

'..rage against the dying of the light.'

Photos coutesy of Vanessa Faye Bolibol and Tudla Productions from their Facebook Accounts

signature

No comments:

Post a Comment

Leave your comments, reactions and suggestions below.