Malalim at Magulo

Mula nang marami akong matutunan pa sa mga bagay-bagay sa mundong ito, unti-unti ko nang kinalimutan ang pangarap ko na maging presidente ng Pilipinas. Opo. Mula noong bata pa ako, ito na ang pangarap ko. Ewan ko ba. Siguro dahil na rin sa maaga ko na pagkamulat na may AM radio pala at madaming problema ang Pilipinas. Lagi ko pa naririnig noon na si ganyang presidente kasi ay hindi ginagawa ang trabaho niya at may mga kung sinu-sino na lagi na lang nagrarally diyan.

In fact, galit ako sa mga aktibista noon. Hindi naman galit na gusto ko na sila mawala kundi iyun bang iniisip ko na akala mo kung sino silang magaling. Sabi ko pa nga, eh kung sila kaya ang lumagay sa gobyerno. Palagay ko eh papalpak din sila kasi puro lang sila ngawa at gulo. Ito ang ilan sa mga biases ko noon na buong pusong nilulunok ngayon dahil nasa kalagayan na nila ako.

Sa ngayon, mas na-realize ko na higit sa kanilang pag-ngawa at 'pangugulo', sila lamang ang may bukod tanging konkreto, malinaw at lapat sa lupa na mga solusyon sa mga problema ng lipunan. Ang problema nga lang, hindi sila (o kami) pinapakinggan. Ano ba ang mali na dagdagan ang budget sa edukasyon o ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka? Sa tingin kasi nila mali. Lalo na iyung mga may hawak ng yaman at kapangyarihan ng bayan natin. Hudyat iyon ng pagkawala sa kanila ng kapangyarihan at yaman na mapupunta naman sa mga taong tunay na nagmamay-ari nito.

At dahil nga sa marami pa akong natutunan at nalaman dahil sa mas malalim na pag-aaral, marami akong mga bagay na pilit binabago sa aking sarili. Mahirap. Lalo na't dalawang dekada akong lumaki ng ganito. Maraming panahon na tinatamad ako. O gusto na lang magpakasarap sa buhay. Pero pilit ko na nilalaban ito ngayon. Lagi ko iniisip na sa kabila ng kinkaharap ko, may ibang tao na mas malala ang nararanasan kaysa akin.

---

Nakakatawa nga minsan, kapag sobrang hirap na ng pakikipaglaban ko sa mga personal ko na kahinaan at kabulukan, umaawit ako ng mga alam ko na makabayang awitin o di kaya sumisigaw sa isip ko na may ganitong esensya: "masisira ang rebolusyon kapag nagdala ako ng kabulukan ng aking pagkatao. kailangan ko itong bakahin. makibaka para sa pambansang demokrasya! mabuhay ang rebolusyon!"

Pero hindi siya biro. Mahirap pero kapag napagtagumpayan, ibang klase ng fulfillment ang mararamdaman. Naisip ko tuloy, ito ba ung sinasabi nila na 'walang Diyos na mga aktibista'? Kung wala silang Diyos, o ni sense ng moralidad, bakit nanaisin nila ng pagpapanibagong hubog? Bakit nila lalabanan ang kanilang mga kahinaan na sumisira sa buhay nila at sa kanilang paglilingkod sa sambayanan?

---

Sa kabila ng aking pagpupumulit na magpanibagong-hubog upang makapaglingkod sa sambayanan, hindi ko pa rin maiwasang bumalik sa dati. Maraming pagkakataon na gusto ko na lang isipin na wala naman ako maibibigay na kahit ano. Oo nga matalino ako (sabi nila). May potensyal. Pero hindi ko nakikita ang sarili ko sa sitwasyon na marami akong magagawa dahil noon pa man, kung hindi man ako palpak o walang pagkakataon na gawin ang nais ko, ako mimso ay hindi bilib sa mga magagawa ko.

Oo, napakababa ng pagtingin ko sa sarili ko. Pangit. Magulo ang isip. Pabago-bago ng desisyon. Walang direksyon ang buhay. Minsan nga nagtataka na nga ako kung totoo ba ung sinsasabi ng ibang tao sa akin o gusto lang nila ako i-gudtaym. Dahil hindi ako naniniwala na totoo ang sinsabi nila tungkol sa akin - lalo na kung maganda ito sa aking pandinig.

Sino ba naman ako? Isang matangkad na lalake (o napagbintangan na ring bakla) na hindi marunong maglaro ng basketbol at isang nerd. Iyun lang. Wala nang iba.

May nagsabi na sa akin noon na napaka-negatibo naman ng pagtingin ko sa aking sarili. Sabi ko, nagpapakatotoo lang ako. Ewan ko kung pagpapakatotoo pa ba ito o isa nang malalang sakit ng pag-iisip.

Kaya sa lahat ng bagay, mula sa pag-aaral, pag-ibig, pamilya at pakikibaka, kung pumalpak man, wala akong ibang sinisisi kundi sarili ko. Ang tanga-tanga ko. Ang torpe-torpe ko. Ang gago ko.

Sa totoo lang, may mga pagkakataon na sumusuko na lang ako at lahat na lang biglang guguho. Ayaw ko nang mag-aral. Ayaw ko nang makita ng kahit sino. Ayaw ko nang mabuhay.

Ilang beses na sumagi sa isip ko ang magpakamatay, pero sa kabutihang palad, hindi ko pa rin ginagawa.

Sigurado marami na naman ang magsasabi na napaka-emo ko naman. Pasensya na. Galit na naman kasi ako sa sarili ko.

---

Pero ewan ko kung masyado ko bang niroromanticize ang pagiging aktibista pero sa pagpili ko nito, kahit papaano nagkaroon ng direksyon ang buhay ko. Kahit papaano nagkaroon ng silbi kung bakit ako gumigising tuwing umaga at papasok sa skul. Pero siyempre, alam ko na marami diyan ang hindi sasang-ayon.

Sasabihin na ang pagiging aktibista ay isang bagay na sumira ng buhay ng marami nang kabataan noon at nagpapatuloy sa pagsira ng mga 'magagandang pangarap' ng kanilang mga magulang. Maraming pamilya ang sinisira nito.

Hayaan na natin ang iba na pabulaanan ang mga maling pananaw na ito. Pero para sa akin, ang mga bagay na kinakaharap ko ay isang pagpapatunay na mali sila.

Oo nga't hindi sang-ayon ang mga magulang ko sa ginagawa at gagawin ko pa pero sa tingin ko naman, nakikita nila na kahit papaano, di gaya noon, mas pursigido na akong ayusin ang pag-aaral ko. Ewan ko lang, pero siguro eto na lang iyung huling bagay na nais kong patunayan sa lahat. Na sa kabila ng mga palpak na mga nagyari sa akin noon, sa pinili ko ngayon, hindi na ako papalpak pa.

---

Sa ngayon, wala pa rin akong makitang masyadong pagbabago sa sarili ko. Pero di gaya noon, may ginagawa na ako kahit paano para magbago ang lahat. Mahirap. Magulo. Malalim. Sana lang ay kayanin.

Kung hindi man, sana ay kunin na lang ako ng basta. Mawala sa mundo na parang hindi ako nakilala ng kahit sino. At walang iiwang kahit anong ala-ala at bakas ko. Dahil parang wala lang naman ako. Parang bula na biglang lumilitaw at bigla rin na mawawala.

Pero sana naman, makagawa ako ng kahit isang tama at sana itong pinili ko ay ang tama na gagawin ko.

Sabi ko nga kanina: "masisira ang rebolusyon kapag nagdala ako ng kabulukan ng aking pagkatao. kailangan ko itong bakahin. makibaka para sa pambansang demokrasya! mabuhay ang rebolusyon!"

hardcore. :)

signature

1 comment:

  1. Kuya! Pasensya na at ngayon lang ulit nakadaan.
    --

    Ang galing mo, yun lang ang masasabi ko. Oo nga, minsan tinatamad tayo. Ako, aminado ako na tamad ako. Napaka daming gawain, nakalatag lang diyan sa harap. Buong araw titigan. Pero hanga ako sayo dahil nalalabanan mo ito. At oo, parehas tayo. Hindi rin ako bilib sa sarili ko

    ReplyDelete

Leave your comments, reactions and suggestions below.