Ang unlitext and calls kasi noon sa TM ang mura. 50 pesos para sa 5 days na unlimited text. Biglang nagmahal nga lang nung 2007 at nagkaroon pa ng issue with NTC dahil ginawa nilang 80 pesos for 4 days na lang. Sa mga di nakakaalam, hindi pa uso ung mga text and call promos noon. Ang mahal ng bayad sa tawag at lalong mahal ang data noon. Ung pagsesend ng pictures noon o MMS ang pinakamura ay P10/MMS.
Sobrang malabo na sa aking memorya kung kailan ko na-encounter ang blogging. Meron ako natatandaan na parang nasa CAL Library ako noon sa UP Diliman at sa isa sa mga desktop PC doon ay merong naka-display na blog. Iyung isa ko pa natatandaan ay meron akong kaklase noong high school na nag-umpisa din na mag-blog at nakalagay sa kanyang email signature noon sa Yahoo Mail. At ang isa pa ay dahil suki na ako ng mga forums noon (Pinoy Exchange at Symbianize), nagsign-up ako sa Peyups.com dahil meron na akong UP student email at doon ako nakakita ng iba't ibang blogs.
Alin man sa tatlo na yan ang orgin story kung bakit ako nagkaroon ng blog, isa lang talaga ang puno't dulo ng lahat na ngayon ko lang napagtanto: gusto ko talaga na maging manunulat.
Nag-umpisa ang lahat sa hilig ko na magbasa ng libro. Kaso hindi ako mahilig sa mga fiction o sci-fi. Dahil History noon ang favorite subject ko, umikot sa topic na ito ang karamihan ng mga binabasa ko na libro na madalas ay non-fiction. Ito rin marahil ang dahilan kaya ako nahilig sa pagbabasa ng diyaryo noon. Either Philippine Star o Philippine Daily Inquirer ang binabasa ko noon. Kaya nga noong naging assignment namin ito noong Grade 6 na mag-gupit ng news articles at column sa opinion pages, hindi na ito bago sa akin kasi ginagawa ko na ito noon pa man.
Marami din akong mga tula na isinulat noong elementary ako. Madalas na 4 na stanza ito at laging may rhyme sa dulo. Sumali din ako sa unang batch ng aming school newspaper noon na Tambuli.
Noong high school naman, naging writer din ako sa aming student paper. Sa panahon din na ito, sumikat si Bob Ong. Sobra kong nagustuhan ang writing style ni Bob Ong noon to the point na ginagaya ko ito lalo na sa mga pinapasa ko na article noon. Pero sa mga book report, hindi ko talaga gusto na magbasa ng non-fiction kaso kailangan. Tulad nung unang libro ng Harry Potter na ginawa pa naming play noon. Pero kahit ganoon, malaki ang naging impact nito sa akin kasi medyo natutunan ko na basahin ng mabuti ang isang libro at unawain ito.
Isa pa, noong 3rd year high school ako, biglang libreng nagpamigay si Fr. Pablo noon ng kanyang mga libro na nabasa na at pwede kaming kumuha kahit ilan. Iyung pinakasignificant para sa akin noon ay eto:
Bakit? Bukod kasi dito, wala na ako masyadong matandaan na writing history ko. Heto ung panahon na naging sobrang relihiyoso ako (bunga na rin siguro at all-boys Catholic school kami) at sa libro na ito mukhang nag-umpisa ung pagkamulat ko sa iba't ibang social issues na batay sa pananaw ng Simbahang Katolika. Ito kasi ung pangalawang plenary council pagkatapos ng EDSA revolution.
2006 ako ay nakapasa at nag-enroll sa UP Diliman. Kami ang huling batch ng murang tution dahil sa sumunod na taon nagkaroon ng TOFI. Gaya ng nabanggit ko kanina, suki ako ng halos lahat ng library sa UP Diliman. Siyempre nandyan ang Main Lib na hindi ko masyadong pinupuntahan kasi nao-overwhelm ako sa laki nito at di ko alam san ako mag-uumpisa. Kaya mas gusto ko ung mga library sa mga colleges tulad sa CAL at CSSP. Pati nga pala sa CMC ay nagpupunta din ako minsan.
Gaya nang ginawa ko noon, nag-apply din ako na maging writer sa SINAG (CSSP student publication) at sa Philippine Collegian. Sa 2 taon ko sa UP, dalawang beses din ako nag-apply kaso hindi ako pinalad sa parehong pagkakataon.
Bukod pa dito, medyo madalas din ang punta ko sa paborito kong tindahan sa mga mall: bookstore. National, Powerbooks, Booksale at Fully Booked lahat napuntahan ko na. Kung tama uli ang pagkakatanda ko, sa Powerbooks sa SM Megamall ko nakilala si F. Sionil Jose na bukod tanging non-fiction na binasa ko noon na nagustuhan ko. At ang babaw ng dahilan kung bakit, color blue kasi ung kulay nung libro niya na Viajero, ang favorite color ko, kaya ako naging interesado:
Hindi naman ako nagsisi. Ang ganda ng kwento ni Salvador dela Raza pati na si Pepe Samson. Naiugnay ko siya sa ginagawa ng mga aktibista -- at maaari din sa ginagawa ng mga rebolusyonaryo mula kay Jose Rizal at Bonifacio hanggang sa mga rebolusyonaryo ngayon. Kaso sabi nung author, si Cory Aquino daw si Salvador at patungkol ito sa kabiguan niya na baguhin ang Pilipinas habang presidente siya. Gayunpaman, ang libro na ito ang nagdala sa akin kay Lualhati Bautista at sa kanyang Dekada '70. Later on, Desaparesidos naman ung unang libro na talagang nagpa-iyak sa akin noong 2010.
Sa sobrang paghanga ko ay hinanap ko siya Facebook later on at hindi ko makakalimutan na nag-like at nagcomment siya minsan. Heto din ung panahon na ako ay nagbigay ng buong panahon para subukang paglingkuran ang sambayanan. Iyang eksaktong quote ay isang blog post ko din nung panahon na yan.
Nakakalungkot lang na hindi ko na sila parehas na makikita sa personal dahil pumanaw na sila. Bago pa nga ako umalis sa UP Diliman noon, binalak ko na puntahan ung Solidaridad na bookshop ni F. Sionil Jose pero hindi na ako natuloy sa hindi ko matandaan na kadahilanan. Sayang.
Balik tayo sa timeline.
Taong 2006-2007 din ako nag-umpisa na maging online freelance writer. Website articles, sponsored posts, spinnable articles, basic SEO articles hanggang sa academic papers gaya ng research paper at mini-thesis, nagsulat ako niyan. Sikat pa noon ang Sulit.com.ph, writers.ph at iba pang classified ads website na kung saan doon ako nakakakuha ng mga naging kliyente ko. Dito ako unang kumita ng malaking halaga na binigay ko noon sa mga magulang ko. Iyun na ata ang huling kita ko na naibigay ko sa kanila hanggang ngayon.
Hanggang sa dumami ang naging clients ko at dito ko sinubukan na magtayo ng negosyo na kung saan kukuha ako ng mga writers na tatanggap ng iba't ibang writing projects. Hindi naging madali ang lahat dahil talagang one-man operation ako. Mula marketing, recruitment, payroll hanggang sa checking ng submissions, ako lang lahat ang gumawa. Kaya naman di maiiwasan na meron akong lapses talaga. Naupos na lang ata ako nito kaya sinabi ko sa mga writers ko na hindi na ako maghahandle sa kanila at magso-solo na lang uli ako.
Sa gitna nito, 2008 naman napunta ako sa CEU Malolos. Ang una ko na naging trabaho dito habang nag-aaral ay library assistant. Tapos, nag-apply ako na maging writer sa student newspaper namin noon at sa kabutihang palad ay nakapasa ako hanggang sa ako ang naging unang editor-in-chief nito na hindi galing sa mass comm o journ (computer science ang course ko nito).
Makulit ung aking kasama sa EB noon at gusto pa itong gawing balita at ayaw ko dahil self-serving masyado Pero sabi ng adviser namin na ituloy ito kasi talaga naman na una ako at kaya naman naipublish ito sa aming unang issue. Sobrang ikli nga lang ng nilagay ko at sa may pinakasulok na bahagi ng aming newspaper:
(Fun fact na hindi nakakatuwang na aktwal na nangyari. Hindi ito ang unang beses na ako ay nabalita sa diyaryo. 2010 nabalita ako noon sa Mabuhay Newspaper dahil nakatanggap ako noon ng death threats dahil sa pangangampanya para sa Kabataan Partylist.)
Dito mas naging pino na ang aking writing style. Siguro mas naging confident na ako sa aking pagsusulat kaya naman ako ay naging opisyal na student writer at naging EIC pa nga. Naging matalas din ang aking panulat dahil sa naging mas mulat at malawak ang aking isip sa panahon na ito. Proud ako sa mga nagawa namin noon lalo na sa aming unang issue. Pinilit namin na hindi maging text heavy at talagang gamitin ang husay ng aming mga illustrators at photographers. Ito rin ang unang pagkakataon na meron kaming online edition. Ito rin ang unang pagkakataon na nagkaroon kami ng special sportsfest edition habang ongoing pa ito.
Masaya din ako sa mga naging kasama ko noon sa TMA at madami pa sana kaming mga plano pero iyun nga lang heto din ung binabanggit ko kanina na panahon na ako ay naglaan ng buong panahon para subukang paglingkuran ang sambayanan. Iniwan ko sila biglaan at hindi ko na sila natulungan sa pagpublish sa sana'y unang 3rd edition namin sa isang school year.
Humihingi ako ng tawad dahil hindi na ako nakapagpaliwanag at nakapagpaalam ng maayos. Pero later na lang ang kwento na yan. Balik muna ako sa aking writing at blogging journey.
Sa gitna ng lahat ng iyan, naging aktibo ako sa aking blog. Sa sobrang dami nga ng gusto ko isulat, ang dami ko pa na ginawang blog noon para sa iba't ibang paksa na naiisip ko. Di ko naman naisip na pwede ko naman nga pala siya i-categorize na lang sa iisang blog. Walong blog iyun. Meron akong tungkol sa Simbahang Katolika, pop culture, edukasyon, deep thoughts ko at ang pinaka kakaiba sa lahat: blog na para sana sa balak ko na kumandidato na presidente ng Pilipinas pagdating ng 2040.
---
Aaminin ko, meron kaunting lungkot at panghihinayang sa mahabang panahon na inilaan ko para sa pagsusulat. Biruin mo ang daming nangyari. Mula sa simpleng mga tula ko noon, peak ko na talaga iyung naging EIC ako.
Kaso bandang 2012, naging madalang na ang aking pagsusulat. Although hindi naman ako huminto dahil sumubok pa din naman ako na sumulat noon lalo na sa mga pahayag namin hinggil sa mga isyu ng lipunan. Pero pagkatapos niyan, parang tinalikuran ko na lang lahat. Kinalimutan at iniwanan ko ang pagsusulat.
May panahon nitong pandemic na sumagi mula sa isip ko na magsulat muli. Sinubukan ko naman. Humarap ako sa computer at nagbukas ng word. Bumili ako ng notebook at ballpen. Pero parang hirap ako na sumulat. Parang natatakot ako na sumulat. Ilang araw ko na sinubukan. Kaso walang inspirasyon kahit mula sa mga mabigat na pinagdaanan ko sa nakalipas na mga taon. Ambigat ng kamay ko. Ayaw sumulat. Kaya mula noon, hindi na ako sumubok pa muli.
Sa totoo lang, etong timeline na ito, ngayon lang lahat naging malinaw sa akin. Alam ko na hindi pa ito kumpleto, pero sa gitna ng pagkirot ng gout ko at pagsipa ng uric acid ko, heto ang mga malinaw sa akin ngayon. Maaaring sa mga susunod na araw, meron pa akong mga maidadagdag.
Ang gara lang nga, sa eksaktong ika-18 na anniversary ng unang blog post ko, nagkaroon ako ng kakaibang pakiramdam na bisitahin muli ang aking blog. Habang binabasa ko nga ang mga lumang posts ko dito, isa-isang nagbabalik sa akin ang mga ala-ala ng pagiging writer ko. Mukhang eto pala ang dapat na naging career ko. Dapat ay related pala sa pagsusulat ang naging kurso ko. Bata pa lang pala ako, dito na ako pinapupunta ng tadhana. Bata pa lang pala ako at hanggang ngayon, frustrated writer na talaga ako.
Sabi nga nila, mukhang hindi ko pwedeng takasan ang nakaraan. Babalik at babalik ito sa atin, maganda man yan o hindi. At heto na nga ako ngayon, sa ika-18 taon ng aking blog, mukhang muli akong magbabalik para magsulat at sana tuloy-tuloy na. :)