Ang Media at Hacienda Luisita

Mainit na naman ang usapin ng repormang agraryo. Lalong uminit ang sitwasyon ng lumabas ang isang hungkag at mapang-aping 'compromise deal' na pumapabor sa mga asyenderong Cojuangco. Mas nakakainit ng ulo ang mga naririnig at nababasa ko na mga opinyon at komento.

Kaya pilit na pinapalamig ng ilang taga-media ang sitwasyon - palalakihin pa ang balita na masyadong 'sensational' at iuulat pa ng paulit-ulit ng ilang araw. Headline at banner story pa. Gagawan pa ng maraming anggulo ang istorya kahit na halos wala na silang mapiga.

Pero iyung mga nagaganap sa Hacienda Luisita, nasa bandang gitna o hulihan ng balita. Marami ang nagaganap. Gaya ng paggamit ng HLI ng mga pekeng lider ng unyon para gumawa ng kasunduan. Ang pananakot at pandarahas sa mga tao upang bumoto at pumirma pabor sa 'compromise deal'. Ang pagbabalewala ni Noynoy sa nasabing usapin.

Napakaraming istorya ang puwede nilang gawin. Napakaraming kwento ang maaaring ibahagi. Pero mas pinili pa nila na magbingi-bingihan at magbulag-bulagan sa daing at kalagayan ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita.

Nasaan na ang kanilang 'pagpanig sa bayan at katotohanan?' Nasaan na ang kanilang 'matapang at patas na pamamahayag?'

---

Dahil rito, ang malawak na mamamayan ay nililinlang sa tunay na porma at nilalaman ng nasabing 'compromise deal.' Sa mga nababasa ko sa mga diskusyon sa Facebook at forums, inaakala ng marami na isa itong magandang pagwawakas sa matagal nang ipinaglalaban ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita. Lumalabas pa na ingrata at ganid ang mga magsasaka na ayaw pumirma o tumututol sa nasabing kasunduan. Iniaabot na daw ang mga Cojuangco ang kanilang kamay, gusto pa raw ng mga magsasaka na kunin ang buong braso. May ilang panatiko pa ang nagsasabing, narito na talaga ang tunay na pagbabago - at inuumpisahan na daw sa Hacienda Luisita.

At ung mga nakikialam daw na mga aktibista, wala nang ginawa sa buhay kundi kumontra.

Ito ay dahil sa mga kasinungalingan na patuloy na binabandera ng mga ilang nasa media.

---

Malaki ang papel ng media sa paghubog ng 'public opinion'. Kung kaya't sa kasaysayan, makikita natin na kung papaano ginamit ng mga diktador ang media upang pagandahin ang kanilang imahe at gawing katanggap-tanggap ang lahat ng mga karumal-dumal na kanilang ginagawa. Nakita natin kung paano sinikil at kinontrol ng rehimeng Marcos ang media upang maging pabor sa kanya lahat ng ilalabas na mga balita at istorya noong Martial Law.

Sa ngayon, wala tayong diktador. (Aroganteng pangulo, meron) Pero ang ilan sa media ay kusang yumuyukod sa kasalukuyang rehimen. Sila na mismo ang nagsisilbing 'propaganda machine' na nagbabandera ng 'pagbabagong' dindala di umano ni Noynoy Aquino. Pagbabago na inumpisahan sa wangwang at nagpapatuloy sa compromise deal.

---

Kung ganito ang kalakhan ng mga nasa media, nasa kamay ng taong bayan ang pagkilos upang ilantad ang mga tunay na pangyayari sa Hacienda Luisita. Mabuti na lamang at sa internet, may ilang progresibo at makabayang website ang patuloy na nag-uulat, gumagawa ng pagsasaliksik at panayam sa mga taong apektado ng isyu sa Hacienda Luisita. May ilang sadyang patriyotikong Pilipino (na 'di aktibista) ang naglaan ng panahon upang pag-aralan ang kasaysayan at ang pinag-ugatan ng sigalot sa Hacienda Luisita.

Ito ang dapat. Ito ang tunay na 'pagpanig sa katotohanan at bayan.' Ito ang tunay na 'matapang at patas na pamamahayag.'

---

Mamaya, didinigin na sa Korte Suprema ang isyu ng Hacienda Luisita. Pero abala pa rin ang ilan sa pagkalap ng mga 'sensational' na balita para ibaling ang atensyon ng publiko sa nangyayari sa mga magbubukid ng Hacienda Luisita. Puwede naman natin sabihin na lehitimong balita ung inilabas ng dilaw na TV station kanina pero nariyan ang timing. Eksakto pa na lumabas sa kainitan ng isang isyung ipinupukol sa kanilang ipinagtatanggol sa pangulo.

Lehitimo na sana ung balita kung mas nilawakan nila ung pagtalakay hanggang sa mga naranasang tortyur ng ilang kasama sa mga progresibong grupo na ginagawa ng militar. Pero hindi. Nauwi lang ito sa paulit-ulit na pagpapakita ng nasabing bidyo.

Tila pagkokondisyon sa isip ng mga tao na ito ang inyong pansinin, wag ang mga maiingay, madudungis at sabi nga nung isang taga-Up na kulay asul, 'baka they will hurt us' na mga magbubukid.

Nakakagalit ang tahasan nilang panggagago sa taong bayan.

---

Sa bandang huli, tayo ang dapat na maglalantad ng tunay na kalagayan 'di lamang ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita kundi ng tunay na lagay ng bayan. Dahil hangga't ang media ay nakikipagsabwatan sa status quo upang panatilihin ito, magpapatuloy ang krisis ng sambayanan at ang patuloy na paghihirap nito.

signature

Stupid Move Again

kuya_noynoy

Screenshot from my Facebook last May 7, 2010, The caption is added by the author.

So Noynoy made another stupid move last week. When will he ever learn?

Noong isang araw lang ay sinibak niya si Dr. Nilo Frisco bilang hepe ng PAG-ASA dahil daw sa mga naging maling forecast nito. Ito ay hinggil sa forecast nila na ang Bagyong Basyang ay hindi tatama sa Metro Manila pero ang nangyari dumaan nga ito. Pero muling nagpalabas ng panibagong dahilan ang Malakanyang - kaya daw sinibak si Dr. Nilo ay dahil sa umano'y di pagkakaunawaan nito at ng kanyang 'immediate superiors.'

Ano man ang sinasabi nilang dahilan, hindi tama na pagbuntunan ng sisi at galit si Dr. Frisco Nilo o ang PAG-ASA. Hindi naman nila kasalanan kung lumihis man ang bagyo dahil sa 'natural occurence' ito. Hindi naman sila Diyos para sabihin sa bagyo na dito ka dumaan dahil iyun ang forecast nila. Wala kang kontrol sa kalikasan. At kaya nga forecast o 'pagtaya' sa panahon - hindi ka 100% sigurado na tutugma o tama ito.

Hindi rin kasalanan ng PAG-ASA kung pumalpak man sila dahil na rin sa sobrang kalumaan na ng kanilang mga kagamitan. Dati ko pa naririnig ung pagnanais ng PAG-ASA na bumili ng Doppler Radars para mas maging accurate ang kanilang forecast. 1998 pa sila humihingi ng badyet para sa kanilang modernization plan. Pero dumaan na ang malalakas na bagyong Loleng, Frank, Milenyo, Ondoy at Pepeng na kumitil ng libu-libong buhay at sumira ng ilang bilyong pisong pananim at ari-arian - wala pa ring nangyayari.

At biruin niyo, kailangan pang mamalimos ng PAG-ASA sa JICA at ibang pang foreign agencies para humingi ng grant upang makabili ng mga Doppler radars na ito.

Ang bukod tanging nangyari ay ang paglisan ng mga weather forecasters ng PAG-ASA papunta sa ibang bansa.

Gusto ni Noynoy na mawala sa gobyerno ang katiwalian. Pero sa pagkakaalam ko, hindi naman nagnakaw, tiwali o abusado sa kapangyarihan si Dr. Frisco Nilo. Pero bakit siya ang pinagdidiskitahan? Baka naman dapat niyang unahin eh ung palpak na paghahanda ng NDCC. Nagbabala ang PAG-ASA na may darating na bagyo, hindi ba dapat eh naghanda na agad ang NDCC at hindi nila hinintay ung pagtama ng bagyo?

Iilan na nga lang sila na nagtitiis at buong pusong naglilingkod sa bayan sa kabila ng mababang pasahod at lumang kagamitan tapos gaganyanin pa sila ni Noynoy? Hindi na ako magugulat kung malalaman natin na may magandang offer na sa kanila ang foreign weather agencies para magtrabaho dito. Hindi na rin ako magtataka kung sa susunod, magigising tayo na wala na ang lahat ng naglilingkod sa PAG-ASA.

At doon sa ilang panatiko ni Noynoy na natutuwa sa ginawa ng boss nila, magiging maayos na ba ang forecast ng PAG-ASA kung maaalis si Dr. Frisco Nilo? Kung iyong US nga na may modernong kagamitan ay pumalpak sa pag-forecast kay Hurricane Katrina, hindi ba mas magaling di hamak ung mga forecasters natin dahil sa kabila ng kakulangan, pinipilit at nagagawa pa rin nilang makapagbigay ng pagtaya sa panahon?

Nakakaawa sila. Ito pa ang kanyang nakuha sa kabila ng sakripisyo nila.

At lagi-lagi, ang mga maliliit na tao ang kinakawawa. Sila lagi ang pinagbubuntunan ng sisi. Pero iyung mga abusado at tiwali, malaya pa rin at ayun nga, nagrereklamo sa Kongreso kung bakit daw siya masyadong pinagsasalitaan ng masama.

Ito ba ung ipinangako ni Noynoy na 'daang matuwid'? Sa isa lang ako nakakasiguro, ito ung binotong presidente ng 15 milyong Pilipino - walang kamuwang-muwang sa mundo.

Akala mo kung sinong may nagawa.

More Links:

http://www.ellentordesillas.com/?p=12352

http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/nation/view/20100721-282272/Disturbance-24-PAGASA-specialists-lose-hope-leave-RP

http://www.gmanews.tv/story/105959/dost-pagasa-in-advanced-talks-with-jica-for-3-doppler-radars

signature