Sa matagal na panahon, ngayon ko lang muling binalikan ang blog ko na ito. Mag-iisang oras na ako ngayong binabalikan ang mga dati ko na isinulat dito. May ilan na nakakatawa (o corny talaga) na halos hindi ko maisip na nasikmura ko magsulat ng ganun dati. Iyung iba naman, feeling importante ako para pag-usapan ng iba. May tungkol sa mga naging experiences na iyung isa eh medyo weird at di ko na maalala kung may ganung nangyari dati.
Pero mas marami sa mga naisulat ko dati ay tungkol sa pagiging estudyante ko lalo na iyung stint ko bilang iskolar ng bayan,buhay pag-ibig (ehem), at ilang napakadramang tagpo sa buhay ko. Actually, marami sa mga naging post ko dito tungkol sa mga nakaraang pag-ibig ko ay binura ko. Bahagi na rin para makalimot noon o kaya dahil hiniling na din nila. Marami rin ang tungkol sa pamilya ko dahil batid ng ilan sa mga malalapit sa akin na kung mayroon mang bagay na madali akong bumigay, ito ay kung ano man ang mangyayari sa aking pamilya.
---
Sa isang bahagi, ipinakita ng blog ko na ito ang lahat ng mga pinagdaanan ko sa nakalipas na pitong taon. Sa pagbabalik ko para basahin ito, nakita ko na hindi pala biro ang mga pinagdaanan ko para sa narating ko ngayon. At gaya rin ng iba na maraming pinagdaanan, hindi madali na isuko ang lahat dahil sa mga nagiging kahinaan natin sa kasalukuyan.
Mag-iisang taon na mula nang tinalikuran ko ang lahat. Ang magandang buhay na ipinapangako ng naghaharing sistema. Ang comfort ng bahay na aking nakasanayan. Ang maaliwalas na buhay sa piling ng pamilya. Isang taon na ito ng sakripisyo at pagpupursigi na paglingkuran ang sambayanan.
Hindi ko ito ipinagyayabang. Kahit sino naman, wala siyang maipagmamalaki hangga't hindi dumarating ang oras ng kamatayan. Doon pa lang masusukat ang mga naging ambag mo para sa lahat. Umiiral lang ngayon sa akin ang pagbabalik tanaw sa nakaraan. Ang malaking pagbabago ng lahat mula noon.
---
Naalala ko sa ganitong eksaktong panahon din, humaharap ako sa matinding dilemma. Matinding takot ang nararamdaman ko noon. Matinding pressure. Nakaharap ako sa pagpapasyang sumulong o umatras.
Ngayon, ganito muli ang aking nararamdaman. Nakakainis siya na nakakaiyak. Nakakainis dahil napakatindi ng atake ng naghaharing sistema sa mga mamamayan. At mas higit pang doble ang tindi nito sa mga taong nais magpanibagong hubog sa paglilingkod sa masa at baguhin ito mula sa kanyang pinaka ugat. Nakakaiyak dahil naiisip mo ang mga kasamang naghihirap din ang kalooban pero mapagpasyang sumusulong sa kabila ng lahat.
Mahirap din ito sa kalooban ko dahil alam ko naman ang dapat gawin. Subalit, natatakot na akong harapin ito. Sa mga kasama, patawad, pinanghihinaan ako ng loob ngayon. Minsan iniisip ko na wala na akong mukhang ihaharap lalo na sa masa subalit nariyan pa din kayo para palakasin ang aking loob. Na ang lahat ng ito ay bahagi ng lahat.
Ang kailangan lang, bumalik tayo sa una nating pagtaya. Sa dahilan ng lahat kung bakit natin nais paglingkuran ang sambayanan at baguhin ang lipunan.
Hanap Ko
(TABAK)
Hanap ko’y ligaya’t kaunting tahimik
Sa luwag at sagana ay sabik
Pagod na ako sa daang matinik
Pagod na ako sa kahihibik
Hanap ko’y pirasong lupain sa bundok
Tanaw sa malayo ay look
Pagod na ako sa daang magabok
Pagod na ako sa mga pagsubok
Sa init ng digma, ako’y nanlamig
Nanlumo ang diwa’t nanlambot ang bisig
O, tila kay daling naiwan na lang ang pinagsimulan
O, pinagmumultuhan ng alaala ng kinabukasan
Saan man mapunta’y di matakasan
Ang taghoy ng bayan na kalayaan
Hanap ko’y hinahon sa gitna ng unos
Na liwanag sa dilim ay lumagos
Pagod na sa kahihinto sa daan
Pagod na ako sa kaaalangan
Hanap ko’y lakas at kaunting tangkilik
Na dating tibay ng loob ay bumalik
Pagod man ako’y di mananahimik
Pagod man ako’y muling iimik
Hanap kong sa daan patungong kalayaan
Na bawat hakbang ko’y mabagwisan
1983, Baguio