Wednesday, August 18, 2010

2 Ang Media at Hacienda Luisita

Mainit na naman ang usapin ng repormang agraryo. Lalong uminit ang sitwasyon ng lumabas ang isang hungkag at mapang-aping 'compromise deal' na pumapabor sa mga asyenderong Cojuangco. Mas nakakainit ng ulo ang mga naririnig at nababasa ko na mga opinyon at komento.

Kaya pilit na pinapalamig ng ilang taga-media ang sitwasyon - palalakihin pa ang balita na masyadong 'sensational' at iuulat pa ng paulit-ulit ng ilang araw. Headline at banner story pa. Gagawan pa ng maraming anggulo ang istorya kahit na halos wala na silang mapiga.

Pero iyung mga nagaganap sa Hacienda Luisita, nasa bandang gitna o hulihan ng balita. Marami ang nagaganap. Gaya ng paggamit ng HLI ng mga pekeng lider ng unyon para gumawa ng kasunduan. Ang pananakot at pandarahas sa mga tao upang bumoto at pumirma pabor sa 'compromise deal'. Ang pagbabalewala ni Noynoy sa nasabing usapin.

Napakaraming istorya ang puwede nilang gawin. Napakaraming kwento ang maaaring ibahagi. Pero mas pinili pa nila na magbingi-bingihan at magbulag-bulagan sa daing at kalagayan ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita.

Nasaan na ang kanilang 'pagpanig sa bayan at katotohanan?' Nasaan na ang kanilang 'matapang at patas na pamamahayag?'

---

Dahil rito, ang malawak na mamamayan ay nililinlang sa tunay na porma at nilalaman ng nasabing 'compromise deal.' Sa mga nababasa ko sa mga diskusyon sa Facebook at forums, inaakala ng marami na isa itong magandang pagwawakas sa matagal nang ipinaglalaban ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita. Lumalabas pa na ingrata at ganid ang mga magsasaka na ayaw pumirma o tumututol sa nasabing kasunduan. Iniaabot na daw ang mga Cojuangco ang kanilang kamay, gusto pa raw ng mga magsasaka na kunin ang buong braso. May ilang panatiko pa ang nagsasabing, narito na talaga ang tunay na pagbabago - at inuumpisahan na daw sa Hacienda Luisita.

At ung mga nakikialam daw na mga aktibista, wala nang ginawa sa buhay kundi kumontra.

Ito ay dahil sa mga kasinungalingan na patuloy na binabandera ng mga ilang nasa media.

---

Malaki ang papel ng media sa paghubog ng 'public opinion'. Kung kaya't sa kasaysayan, makikita natin na kung papaano ginamit ng mga diktador ang media upang pagandahin ang kanilang imahe at gawing katanggap-tanggap ang lahat ng mga karumal-dumal na kanilang ginagawa. Nakita natin kung paano sinikil at kinontrol ng rehimeng Marcos ang media upang maging pabor sa kanya lahat ng ilalabas na mga balita at istorya noong Martial Law.

Sa ngayon, wala tayong diktador. (Aroganteng pangulo, meron) Pero ang ilan sa media ay kusang yumuyukod sa kasalukuyang rehimen. Sila na mismo ang nagsisilbing 'propaganda machine' na nagbabandera ng 'pagbabagong' dindala di umano ni Noynoy Aquino. Pagbabago na inumpisahan sa wangwang at nagpapatuloy sa compromise deal.

---

Kung ganito ang kalakhan ng mga nasa media, nasa kamay ng taong bayan ang pagkilos upang ilantad ang mga tunay na pangyayari sa Hacienda Luisita. Mabuti na lamang at sa internet, may ilang progresibo at makabayang website ang patuloy na nag-uulat, gumagawa ng pagsasaliksik at panayam sa mga taong apektado ng isyu sa Hacienda Luisita. May ilang sadyang patriyotikong Pilipino (na 'di aktibista) ang naglaan ng panahon upang pag-aralan ang kasaysayan at ang pinag-ugatan ng sigalot sa Hacienda Luisita.

Ito ang dapat. Ito ang tunay na 'pagpanig sa katotohanan at bayan.' Ito ang tunay na 'matapang at patas na pamamahayag.'

---

Mamaya, didinigin na sa Korte Suprema ang isyu ng Hacienda Luisita. Pero abala pa rin ang ilan sa pagkalap ng mga 'sensational' na balita para ibaling ang atensyon ng publiko sa nangyayari sa mga magbubukid ng Hacienda Luisita. Puwede naman natin sabihin na lehitimong balita ung inilabas ng dilaw na TV station kanina pero nariyan ang timing. Eksakto pa na lumabas sa kainitan ng isang isyung ipinupukol sa kanilang ipinagtatanggol sa pangulo.

Lehitimo na sana ung balita kung mas nilawakan nila ung pagtalakay hanggang sa mga naranasang tortyur ng ilang kasama sa mga progresibong grupo na ginagawa ng militar. Pero hindi. Nauwi lang ito sa paulit-ulit na pagpapakita ng nasabing bidyo.

Tila pagkokondisyon sa isip ng mga tao na ito ang inyong pansinin, wag ang mga maiingay, madudungis at sabi nga nung isang taga-Up na kulay asul, 'baka they will hurt us' na mga magbubukid.

Nakakagalit ang tahasan nilang panggagago sa taong bayan.

---

Sa bandang huli, tayo ang dapat na maglalantad ng tunay na kalagayan 'di lamang ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita kundi ng tunay na lagay ng bayan. Dahil hangga't ang media ay nakikipagsabwatan sa status quo upang panatilihin ito, magpapatuloy ang krisis ng sambayanan at ang patuloy na paghihirap nito.

Ang mga larawan mula sa Arkibong Bayan.

signature

2 comments:

  1. ang dapat hindi makialam ang mga tao na hindi sa loob ng hacienda luisita nagtratrabaho..ang hirap sa mga tao lalo na iyong matataas ang katungkulan ay nakikialam samantalang hindi naman nila nararanasan ang buhay ng sa hacienda luisita..dapat mga tao lang sa loob ang dapat mag resolba..

    ReplyDelete
  2. Hindi naman po siguro tama na habang kinakawawa sila doon ay pababayaan na natin sila. Sila'y kapwa natin na dapat paglingkuran kaya marapat lamang na sila ay ating tulungan na ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

    ReplyDelete

Leave you comments, reactions and suggestions below.

 

Project Dennio Some Rights Reserved © 2012 - |- Template created by O Pregador - |- Powered by Blogger Templates - |- Content and Visual Modifications by Jose Dennio Lim