Isa ba akong AKTIBISTA?

"Aktibista ka pala Dennio eh."

Sabi ito ng isang kaklase ko ngayon sa bagong eskwelahan ko. (Opo, wala na ako sa UP. Tagal na, haha.. :D See story here. :P) Binase niya ito sa kanyang mga nababasa sa mga posts ko sa Facebook at sa paminsan-minsang pagggm (group message sa text) ng mga bagay na may kinalaman sa pagiging makabayan.

---

Noong unang malaman ng nanay at tatay ko na sumali ako noon sa isang aktibistang grupo sa UP, hindi na ako nagtaka na nagalit sila. Agad nilang inalala na baka isa ako sa mga madukot at mapatay noon lalo't kainitan noon nang madukot sina Karen at She na taga UP. Kasalanan ko din naman, nakalimutan ko na may usapan pala kami na pag-uusapan muna namin ang mga bagay na ito.

Nang matanggal naman ako sa UP, nasisi din nila ang pagiging 'aktibista' ko kung bakit ko napabayaan ang aking pag-aaral. Pero taliwas nga sa kanilang iniisip, ang tunay na dahilan ay tinamaan ako ng katamaran noon na mag-aral. At noong mga panahong iyon, hindi rin naman ako aktibo sa sinalihan ko. At alam din ng kapita-pitagang si Anton Dulce (sipsip ba? :D) na noong mga panahon na iyon, binabatikos ko na sila.

---

Nagpasya ako noon na yakapin ang tinatawag na 'multi-perspective activism o alternative activism' na isinusulong ng iba. Ang ganda kasing basahin at pakinggan. Multi-perspective. Madaming paraan para ilabas at kumilos sa mga isyu sa paraang hindi na kakailanganin pa ang lumaban sa lansangan. At higit sa lahat, napakakomportable.

May nakakatext na nga ako noon na kasama sa mga grupong ganyan. Siya naman eh galing din sa kabila. Medyo desidido na ako noon na sumama sa kanila. Pero may ilang bagay at dahilan ang nagtulak sa akin para hindi gawin 'yon.

---

Lumipat ako ng paaralan. Sa unang pagtapak ko pa lang sa mga pintuan nito, kakaiba na ang aking naramdaman. Hindi naman parang may mali ngunit may bumubulong sa likod ng aking isipan na sa lugar na ito mas higit ka na mamumulat.

Lumipas ang ilang buwan, pinilit na mamuhay ng normal na estudyante. Nag-aral uli ng mabuti. Pinilit iwasan ang nakaraan. Ngunit sa kaka-iwas ko, lalo lang kami nagtatagpo.

---

May nakapagsabi sa akin noon na kapag ikaw ay nalagay sa isang sitwasyon na kung saan sinusubok ang lahat ng iyong prinsipyo at pagkatao, dito lumalabas kung ano ang iyong mga pinaniniwalaan at pinaninindigan sa buhay. Na sa mga pagkakataong nagmumuntik-muntikanan, lumalabas ang tunay nating pagkatao.

Taliwas sa paniniwala muli na mailalayo ako mula sa init ng aktibismo sa UP, sa kinalalagyan ko ngayon, sa mga nakita kong pagmamalabis at pagsikil ng kalayaan at karapatan, mas lalo akong napalapit sa pagiging aktibista.

---

Ngunit ang 'paglapit' kong ito ay hindi nawalan ng mga agam-agam. Pag-aalala na kung ako'y gagawan ng mga hakbang, maaaring magsilbi ito na katapusan muli ng aking pagkakataon na makapag-aral.

Pero sa mas malalim na pagbubulay-bulay, napagtanto ko na kung ako'y magpapadala lamang sa takot na aking nararamdaman, habambuhay na magiging ganito ang kalagayan ng mga kapwa ko estudyante. Habambuhay na lang ako magmamasid habang unti-unti namamatay sa gutom ang maraming Pilipino. Kahit anong ngawa ang gawin ko, nariyan pa rin sila at patuloy sa pagpapahirap sa mga Pilipino.

Matindi ang tawag ng panahon. Mahirap manahimik sa panahong nagsusumigaw ang pangangailangan ng nagkakaisang pagkilos upang panibaguhin ang lipunan.

Muli kong pinag-aralan ang aking sarili. Kung paano ko mabibigyang katwiran ang pagnanais ko muli na maging aktibo sa pakikipaglaban 'para sa mga tao na wala naman pakialam sa akin' (ayon sa kaibigan ko at sa mga magulang ko).

Nakarating lamang ako sa iisang konklusyon: kailangan ng pagkilos.

---

Ano ang mabigat na dahilan ko kung bakit ito ang naging desisyon ko? Si Hesus. (See FOLLOW CHRIST, SERVE THE PEOPLE.) Itinuturing ko siya na kauna-unahang yumakap sa prinsipyo ng paglilingkod sa sambayanan. Sa kabila ng kawalang pakialam sa kanya ng nakararami, patuloy siya sa pangangaral, sa pagpapastol, sa paglilingkod sa mga taong di niya kilala, sa mga tao na alam niyang sa bandang huli ay magpapapako sa kanya.

Maaring mali ang pananaw na ito sa iba (lalo na sa ibang aktibista) pero iisa lang naman ang nilayon ni Kristo noon sa nilalayon ng mga aktibista ngayon: tunay na kalayaan. Hinangad ni Kristo ang tunay na kalayaan mula sa kasalanan, hangad ng isang aktibista ang tunay na paglaya ng bayan sa panunupil, kahirapan at dayuhang kontrol.

Maaari din na magtaas ng kilay ang ilan na maling ihalintulad si Kristo sa mga aktibista dahil malayong malayo ang mga ginawa niya sa ginagawa ng mga aktibista ngayon. Pero malamang, hindi alam ng mga taong ito na sa panahon ni Kristo, ang lahat ng kanyang ginagawa ay radikal sa pananaw ng mga naghaharing uri noon at paglapastangan sa kanilang pinaniniwalaan - walang pinagkaiba sa pananaw ng marami ngayon sa ginagawang pagkilos ng mga aktibista.

---

Pero sa kabila nito, maituturing ko na ba ang aking sarili na isang aktibista - o isang press release pa lamang,

Isa pa lamang po akong press release.

Oo at nakikita ninyo ang aking pagsuporta sa mga pagkilos dito sa Facebook, sa aking blog o sa mga text messages ko sa inyo.

Ngunit kulang pa ito ng tunay na pagkilos sa tunay na mundo kaisa ang sambayanan.

Kulang pa ito ng pakikihalubilo sa masang Pilipino sa mga kanayunan, sa mga pabrika o sa mga nasa urban poor community.

Hangga't hindi ko pa nagagawa ito, isa lamang akong press release.

Pero, not for long. :)

152_kabataan

May mga takot pa rin ako pero kailangan ko itong harapin at hindi ko ito pababayaang maging hadlang para tunay ako na makapaglingkod sa sambayanan.

Serve the People!

"At the risk of seeming ridiculous, let me say that the true revolutionary is guided by a great feeling of love." - Che Guevara

Images: From Google Image Search

signature

3 comments:

  1. shit ka hahaha. i almost cried. hugs. ang mga aktibista taliwas sa kinondisyong pananaw ng mga kumakalaban dito ay hindi mga nabrainwash at naprogram na mga robot. sila'y mga taong may prosesong pinagdadaanan. kritikal na nagsusuri at tumutulay sa maraming kontradiksyon, pansarili at mga inihahatid ng kapaligiran, ngunit anu't anuman, palaging sa tunggalian ng mga kontradiksyong ito, lulutang at lulutang ang wastong landasin.

    hihintayin ka namin, hanggang sa panahong hindi ka na isang press release lamang :)

    apir!

    ReplyDelete
  2. God is looking not for a generation who knows about him but for a generation who knows God HIMSELF.

    ReplyDelete
  3. @Elay: I believe who you have misunderstood what I have written him. :) It was after I knew GOD HIMSELF when he made me realize what I need to do to truly serve him. Just like what I've said in my earlier post, God does not need much of our songs of praise or worship activities. He got a gazillion angels up there to do that for him. That is okay with him but God wants us to do something extra special for him, and that is to feed his sheep, serve his people just like the example he had shown several times in the Bible. :)

    ReplyDelete

Leave your comments, reactions and suggestions below.