Hindi ko pa rin natatapos at pulido ang paggawa ko sa isang post na nais kong mailagay dito. Kaya habang nasa proseso ako ng pagpapatibay rito at pagsasaliksik tungkol sa kabilang kampo, narito ang aking munting opinyon sa lagay ng telebisyon at showbiz sa Pilipinas ngayon.
Umpisahan natin sa masasabi ko na 'dokyu' wars ng ABS-CBN at GMA. Dito natin nakita kung gaano kagaling at kalalim kung umarok ang GMA sa paggawa ng mga dokyu. At dito rin natin nakita kung gaano sumablay at kababaw ang ABS-CBN sa paggawa ng mga dokyu. Nasa high school pa lang ako lagi ko nang inaabangan ang mga dokyu sa GMA lalo na sa i-Witness. Ibang klase kung umatake ang kanilang mga batikang dokumentarista gaya nina Jay Taruc, Howie Severino, atbp. Iyun nga lang, laging madaling araw na kung maipalabas ang mga nasabing programa. Nakakapuyat. Balik tayo sa mga dokyu ng ABS-CBN. Medyo malayo pa ang kanilang lalakbayin pagdating sa paggawa ng mga dokyu na medyo pangahas at may lalim gaya ng ginagawa sa GMA. Kagaya na lamang nitong huli nilang dokyung 'Walang Iwanan' na tungkol sa mayayamang Pilipino na 'ibinabalik' ang kanilang yaman sa mga higit na nangangailangan dito.
Pero nakalimutan nilang sabihin kung gaano ba kalaki ang kinikita ng mga kompanyang ito at ilang porsyento ng kanilang kita ang napupunta sa mga 'corporate social responsibility' (CSR) projects nila. Kaya siguro hindi nila ito nabnaggit kasi iba ang pinag-uusapan. Positibo ang usapan at nais nilang magbigay pag-asa sa mga tao. Iyun nga lang, nagmukha naman promosyon ito ng kanilang mga kompanya at kakalimutan na lamang natin ang mga iskandalo na kanilang kinasadlakan.
Katulad na lamang ni Lucio Tan na may P25 billion tax evasion case na nakasampa laban sa kanya. Iyun nga lang na-acquit na siya sa kasong ito noong 2006 dahil lamang sa technicality. At siyempre ang mga Lopez na hanggang ngayon hindi pa rin ipinapaliwanag kung bakit ba may system loss ang Meralco. Siyempre, hindi naman babatikusin ng ABS-CBN ang sister company nila. Iyun na nga, sana naging mas malawak ang kanilang pagtalakay.
Sunod naman sa isyu ni Cristy Fermin. Kakasuspinde lang sa kanya ng ABS-CBN noong Miyerkules hanggang December 31, 2008 sa lahat ng kanyang programa sa telebisyon (The Buzz) at radyo (Showbiz Mismo!). Bunsod umano ito sa mga binitawang salita ni Cristy Fermin sa kanyang interview sa The Buzz hinggil sa mga hidwaan nila ni Nadia Montenegro. Eto lang ang masasabi ko. Sa dinami-dami na ng mga kasong libelo na isinampa sa kanya, lahat ng iyon nalagpasan niya at lahat ng kanyang diumano'y mga paratang eh napapatunayang totoo. Iba talaga kung bumanat si Nanay Cristy (ang tawag ng mga malalapit sa kanya). Tagos sa laman. Tagos sa puso. At siguradong aaray ang mga binabanatan o pinangangaralan niya. Hindi siya basta pumapatol sa kung anong tsimsis. Kanya muna ito sinisiguro na totoo at may basehan at saka niya titimbangin kung alin ang totoo at hindi; at ang tama sa mali.
At ngayon na may pumutak, sigurado na naman totoo ang kaniyang mga sinabi. Eto kasi ang hirap sa ating mga tao, hindi tayo marunong tumanggap ng pamumuna at lalo't higit ang katotohanan. At sa kasong ito, matatapos ang lahat sa pagbubunyag ng katotohanan.
(Wala talaga ako sa sarili ko ngayon, natanggal ako sa Entrecard dahil sa 'non-English' ang aking blog. Iyun lang. Pipilitin ko na ayusin ang aking pagba-blog sa mga susunod na araw.)