Makalipas ang tatlong buwan ng paghihirap, pagtitiis at pagpapalakas ng loob.. Sumapit na din ang araw na hinding hindi ko malilimutan. ika-24 ng Agosto taong 2006. Matapos ang ilang linggong pananahimik mula ng aking silver post, nagbabalik ako, upang ilahad ang mga pangyayaring nagdaan..
Sasabihin ko muna ang mga nangyari nitong nakaraang dalawang linggo..
Lunes noong ika-14 ng Agosto, dito nagsimula ang lahat. Nagmuni muni ako sa mga pangyayari nitong nakaraang mga araw.. singko sa math.. 2.75 sa SocSci 2.. 70% sa Biotechnology.. at ngayong darating na Biyernes.. PolSci naman..
Nitong nakaraang sabado at linggo, hindi pa ako gaanong nakapag-review para sa darating na PolSci exam. Walong kabanata ang kailangan kong basahin na may hindi bababa sa 100 pahina. Sa totoo lang mas naging attractive pa sa akin ngayon ang aming klase sa Journalism kaysa dito sa PolSci.
Una, nakakaantok magturo ang aming propesora na nagtapos ng Ph. D. degree sa Kobe University, 13 taon na siyang nagtuturo pero sa tingin ko hindi pa sapat iyon para siya ay maging isang magaling na guro. Pero ayon sa mga nakakusap ko, talagang ganyan daw sa simula, pero kapag tumagal magugustuhan din namin iyon. Hindi ako sigurado doon.
Ikalawa, kapag siya ay nagtuturo para kang nakikinig sa radyo na salita nang salita. Pagpasok pa lang niya attendance kaagad at kabisado ko na ang unang tatlong pangalan na tatawagin niya pagdating sa teacher's table.. (Pasintabi sa aking mga kaklase)
(Pumasok na si Ma'am)
Ma'am: Ruth.. Edward.. Betsy..
Doon naman sa Journalism class namin, buhay na buhay ang aming professor na dating nagtrabaho sa PTV 4 at ABS-CBN. Sa bawat tanong na ibato namin na may kinalaman sa currrent events, mga nangyayari sa 'likod ng balita,' mga media practices, ang background ng iba't ibang world events ngayon gaya ng giyera ng Israel sa Lebanon, pati na ang emerging na international news channel na Al-Jazeera (The Island or The Peninsula), at lahat ng bagay sa mundo ng journalism kahit pa history, nasasagot agad niya. At very honest din siya sa pag-aming talagang walang sinuman sa mga nasa media ngayon ang magsasabi na hindi sila 'bias' dahil daw natural lang naman daw sa ating mga tao ang maging 'bias.' So much for that..
So the delusion comes in, nagdadalawang isip na ako sa kung ano ba talaga ang gusto ko at iyan ang madalas na gumugulo sa isipan ko hanggang ngayon.
Balik tayo sa pagrereview ko..
Meron na lamang akong apat na araw para mag-review at kung titingan mo sapat na ang apat araw na iyon para mabasa ko ang lahat ng dapat kong reviewhin para sa exam. Pero hindi ko nagawa.. Hanggang sa Huwebes ng gabi, ala-una na ng madaling araw ako natulog. Natapos kong basahin. Pero hindi ko alam kung may natandaan ako.
Bakit ako hindi nakapagreview? Mamaya ko sasagutin iyan..
Tapos na ang unang unos. Pero may susunod na agad.
Next week na ang pasahan ng aming media journal sa fave class ko na Journalism. Excited ako na gawin ito at sobrang excited wala na naman akong nagawa. Holiday pa niyan noong Lunes, hindi ko pa nagawa.. siyempre ang mayabang na si Dennio, may plan B pa.. Matatapos ko ito within 2 days..
Dumating ang Martes, ika-22 ng Agosto, pag-uwi ko galing sa klase kung saan ay nakita ko.. (puputulin ko na doon) sinubukan kong gawin ang aking media journal.. pero hindi ko nagawa.
Dumating ang Miyerkules, ika 23 ng Agosto, talagang kailangan ko nang gawin ito. May make-up class kami kaninang 9-12 ng hapon with matching quiz pa at sa awa ng Panginoong Diyos, nakapasa ako at di lang pasa, mataas ang nakuha ko. Salamat kay Lord.
At saka ko biglang naalala na may exam kami bukas (ngayon ika-24 ng Agosto) sa Comm3. Ang tanga talaga nitong si Dennio. Hindi pa rin nanghihiram ng libro sa kanyang kaklase at ngayon wala na akong ibang choice kundi pumunta ng libe. Pero, pagdating ko doon ala-una pa daw sila ulit magpapahiram 12:10 pa lang noon at naalala ko ulit na wala na akong pera at hindi pa ako tinetext ng aking ama kung nakapag-deposit na siya sa cash card niya para mai-withdraw ko.
Noong mga oras na iyon, gutom na ako. Kaya naisip ko na mamayang hapon na lang ako babalik. At muling pumasok sa aking gunita ang Journalism media journal ko.
Kaya kumain ako at umuwi. At dito desidido na akong tapusin ito ngayon. Pero, hindi na naman ako agad nakapagsimula dahil nanuod pa ako ng Wowowee.
Labinglimang araw ng coverage tungkol sa Lebanon-Israel conflict ang kailangan namaing gawin. Daily kami gagawa ng journal na maglalaman ng lahat ng napuna namin sa ginagawang coverage ng media. Daily dapat. Ako pinipilit kong gawin sa isang araw. Sampung araw lang ang nagawa ko at hindi pa masyadong pulido. Hindi ko pa din naeencode. May 5-page consultaion report pa. Hindi ko pa nagagawa.
Dumating ang alas-singko nagtext ang aking ama na doon na lang kami magkita sa SC. Kasama kong pumunta doon si Kuya Josh na kaboardmate ko. Kumain na din kami doon ng aking itay at hindi ko ipinahalata o sinabi sa kanya na namemeligro na ako. Pagkatapos noon umuwi na ang tatay ko at bumalik na kami ng kuya Josh ko sa boarding house. Nakigamit ako ng computer sa kanya at nag-encode. Inabot ako ng alas-12 y medya ng hatinggabi. Sampu pa lang iyon. Wala pang consultation report. Suko na ako.
Dumating ang araw na ito.
Ito ang araw na pinaka-ayaw ko na dumating. Ang araw na bigla isasampal sa mukha mo ng iyong sarili.. na wala ka nang ganang mag-aral.
Sa mahigit 10 taon ko bilang isang estudyante, ni minsan, hindi pumasok sa isip ko ang tinatamad na ako mag-aral. Kaya sa loob ng 10 taon na iyon hindi nasayang ang mga panahon. Aral ako ng aral. Konting laro tapos aral ulit. Iyan ang buhay ko noon. Hindi nagsasawang mag-aral.
Hindi naman nasayang ang aking pagod. Naging 1st honor ako, hindi naman sa pagmamayabang, mula noong Grade 2 hanggang sa grumaduate ako ng elementary. May 2 pagkakataon na napunta ako sa 2nd at 3rd pero sa kabutihan nabawi agad.
Grade 3 at 4 ako nang masasabi kong ito ang tugatog ng aking tagumpay sa pag-aaral. First honor ako, napalanunan ko ang first place sa lahat ng category ng Quiz Bee namin at naging model student noong Grade 4. Ang sarap lasapin ng tagumpay. Wala pa sa isip ko noon na hindi palaging ganito.
Grade 5 nang magsimula ang unti-unting masasabi kong 'pagbaba' medyo naungusan ng ilang kaklase at bumaba ang average sa katapusan ng taon hanggang noong mag-Grade 6 ako. First Honor ako pero categorically, ang aking average noon ay para sa outstanding pupil lamang pero valedictorian na rin ang naging tingin nila sa akin dahil iyung mga medalya ko ay 'valedictorian' ang nakasulat. Pero para sa akin, hindi iyun sapat na katibayan na 'valedictorian' nga ako.
Oo nga pala, mga medalya.. Isa pa sa mga madami kong natamo noong nasa elemntary years ako, hindi sa pagmamayabang, hindi bababa sa 30 ang natamo kong medalya noong elem ako. Mga medalya na hanggang ngayon nagpapaalala ng mga 'golden years' ko bilang estudyante. Lahat ng mga guro sa amin ay umaasa na maipagpapatuloy ko ang magandang sininulan ko hanggang college.. Pero, binigo ko sila..
Hindi lamang sila, pati mga magulang ko, kapatid at halos lahat ng kamag-anak ko.. Hanga nga sila na UP ako mag-aaral, ako pa lang ata sa aming angkan ang unang mag-aaral dito, isipin niyo na lang ang pressure na galingan mo dahil umaasa sila..
Balik muna tayo ng konti..
Nitong naging 4th year high school na ako, may isang kakaibang pakiramdam ang bigla kong naramdaman. Isang pakiramdam na ngayon ko lang naramdaman sa buong buhay ko. Hindi ko ito maipaliwanag noon basta ang mga nangyari ay hindi maganda. Hindi gaya noong elem ako, mababa masyado ang mga grado ko.. at.. hindi ako naging 'valedictorian...'
Alam ko na sa loob-loob ng aking pamilya na nanghihinayang sila sa nangyari, kahit pa sabihin nila na ayos lang iyun, ganyan lang talaga iyan, ang mahalaga nakapagtapos ka, pero alam ko na higit pa doon ang inaasahan nila. Alam ko na alam din nila na hindi ako ganito dati. Pero, ano pa nga naman ang magagawa ko.. ang tanging permanente sa mundo ay ang pagbabago..
Kaya nitong bakasyon ng bago ako maging kolehiyo, napaisip ako.. Kakayanin ko ba ito.. Makakabawi pa ba ako.. mga tanong na ngayong Agosto 24 ko lang nasagot..
....
hinga muna ako..
...
game.
Kaya pala ganito ang naging pakiramdam ko mula nang 4th year ako ay dahil hanggang ngayon naghahangad pa rin ako na malagay sa itaas, sa puwesto na inokupahan ko mula nang ako ay nasa elem..
Kaya pala ako ganito dahil hanggang ngayon hindi ko mapatawad ang aking sarili na hindi ko naabot ang gusto ko..
Ginulo ko ang sarili kong buhay..
Ilan sa mga narealize ko sa 2 linggong unos na isa sa pinakamatinding dumaan sa buhay ko:
Kung wala ka namang balak manligaw sa isang babae at wala kang ginagawang kahit ano sa kanya,ni kausapin man lang ay wag mo nang isipin iyon
Higit sa pamilya mo at mga kaibigan, ang higit na makakatulong sa sarili mo ay ikaw din.
Kung gusto nating magbago, binigyan tayo ng Panginoon ng 'will' para mangyari ito.
Huwag kang basta susuko. Hindi rin magandang opsyon ang pagpapakamatay bukod sa duwag ka na dahil tinatakasan mo ang problema, nagkakasala ka pa sa Diyos.
Ang iyong konsensya ang tutulong upang palakasin ka.
May ilang bagay na hindi natin dapat minamadali. Kung kinakailangan na maging matagal ang proseso at mahirap pero maganda naman ang magiging resulta nito, ito na ang gawin mo.
Magpayo ka na lamang kung ikaw mismo ay kaya mong gawin ang ipinapayo mo sa iba.
Maniwala ka sa iyong sarili at sa iyong mga pangarap gaano man ito kaimposible.
At mula sa isang quote sa txt, kapag pakiramdam mo sobrang dami at bigat na ng dinadala mong problema, isipin mo na nakikita ka ni Lord na napakatatag at kaya mong lutasin ang lahat ng problema
Minsan kailangan mo ng lakas para sabihing mahina ka.
At kung may isang tao na makikinig at diringgin ang iyong pagtangis, nandyan palagi si Lord, ikaw lang ang hinihintay niya.
At sa lahat ng mga dramang nangyari nitong nakaraang linggo, isa lang ang napatunayan ko. Sa oras na hindi mo na kaya ang lahat, binibigyan tayo ng Panginoon ng tsansang huminto, kahit matagal, para makapag-isip.. para mapagmunihan.. at mapakalama ang ating naguguluhang mga puso at isip.
Isang txt ko lang..
Mama, ayoko na..
Bigla silang naguluhan at natakot. Hindi ko sinasadyang pag-alalahanin ko sila. Nang hapon ding iyon, tumawag ang aking tatay, sa tawag pa lang na iyon, bumuhos na ang aking mga luha.. at habang itintype ko ang parteng ito.. naiiyak pa rin ako kapag naaalala ko ito.. dito ko nakita na mahal na mahal ako ng mga magulang ko.. pati na ang kapatid ko.. hindi ako makapaniwala na magagawa niyang sabihin sa akin na kaya ko iyan kahit na alam ko na hirap din siya sa pag-aaral..
Sa huling bahagi nitong post ko..
Mama, Papa, Kattie, mahal na mahal ko kayo..
Hindi ko kayo bibiguin..
Kaya pa ito ni kuya..
salamat..
Minsan kailangan mo ng lakas para sabihing mahina ka.
Image Source: Shakeeluddin