Yakap ni Tatay

Kahapon lamang ng gabi, ika 26 ng Agosto taong 2006, mga tatlumpung minuto makalipas ang ika-sampu ng gabi, pagkatapos kong makipagusap sa aking nag-iisang matalik na kaibigan na si Rainier,.. dumating ang tatay ko.

Dati-rati kapag gusto ng tatay ko na mag-usap kami, umiiwas ako. Maaga ako natutulog. Tapos kinabukasan makakalimutan na niya. Pero iba ang kahapon..

Sadya kong pinatagal ang pag-uusap namin ni Rainier dahil wala naman ako na iba pang gagawin at kung may gagawin man ako, wala ang konsentrasyon ko, kaya pinatagal ko ang aming pag-uusap hanggang sa dumating ang tatay ko.

Nag-usap kami kasama ng nanay ko. Hindi ko na muling ikukuwento ang mga nangyari dahil ayan sa ibaba ang kwento.

Pinag-usapan namin ano iyung sinasabi ko sa text na "ayoko na.." Sabi ko habang ako'y naiyak na, nawala na ang interes ko sa pag-aaral at naging iresponsable ako. Sinabi ko din na binigo ko sila dahil alam ko na mataas ang inaasahan nila sa akin pero hindi ko nagawa. Sinabi ko din na kaya ko naman, kaya lang hindi ko alam kung bakit unti-unting nawala ang interes ko sa pag-aaral, sabi ko, marahil dahil sa noon pa man puro aral na ang ginawa ko at wala na halos libangan. Nabuhay ako sa libro, notebook, ballpen at lapis.

Nasabi ko ang mga bagay na dati ay hindi ko nasasabi.

Ang una agad sinabi ng tatay ko.. Hindi niya naging hangad kailanman na palagi kong maabot ang naaabot ko dati, sinabi din niya na masaya na siya at nakapag-graduate ako sa high school at nakapasa sa lahat ng pinagkuhanan kong exam sa college at ngayon, nakapag-aral sa U.P.

Sa totoo lang daw ayaw niya na maranasan namin ang naranasan niya dati, ang pumasok sa iskwela na hindi kumakain, walang baon at walang tsinelas. Samakatuwid, ayaw niyang maranasan namin ang lahat ng hirap na dinanas niya sa pagiging dyanitor, pagtitinda sa palengke, paglalako ng tinapay, pagiging kundoktor sa bus at pagiging sekyu. Gusto niya na maibigay niya lahat sa amin para tanging iisipin na lang namin ay ang aming pag-aaral. Ayaw niya na matulad kami noong nag-aaral pa siya na madalas ay blangko ang kanyang isipan dahil sa pagod, puyat at gutom.

Sa mga sinabing iyon ng tatay ko, talagang napaluha ako.. hanggang sa mga oras na ito na sinusulat ko ito..

Madami pang naikwento ang tatay ko.. at sa mga kwentong iyon nakahugot ako ng bagong lakas,..

Lalo na nang niyakap ako ng tatay ko..

Mas naiyak ako noon..

Ni minsan sa buong buhay ko, hindi pa ako nayayakap ng tatay ko mula noong maliit pa ako. Ang nanay ko palagi ang niyayakap ko. Pero kaiba sa lahat ng tatay na kilala ko, siya lang ang kilala ko na pumapayag na halikan ko siya sa pisngi para magpaalam o kaya ay magsabi na matutulog na ako. Pero, iyun pang isang nangyari kagabi, kakaiba talaga ang pakiramdam ko..

Nakaramdam ako ng isang matinding koneksyon sa kanya na dati'y wala. Doon, isang bagong lakas ang umusbong sa akin. Sa isang yakap na iyon, nagbago na ang pananaw ko sa mundo..

Isang pangyayari na kailanman, hindi ko malilimutan.

Lalo na nang niyakap ako ng tatay ko..

Salamat Papa. Mahal na mahal kita.

Picture taken last January 1, 2010.

signature

No comments:

Post a Comment

Leave your comments, reactions and suggestions below.