Gusto ko lang na ibahagi sa inyo ang aking nararamdaman ngayon matapos kong mapanood ang isang kahindik-hindik na dokumentaryo tungkol sa mga reporters na madalas na nagco-cover ng mga giyera. Pero higit pa sa mga napapatay na mga reporter mas nanindig ang aking balahibo sa mga larawan at video na ipinakita sa nasabing dokumentaryo.
Una ay ang World War I at II. Ito ang dalawa sa pinakamalaking digmaan sa buong mundo na kinasangkutan ng maraming mga bansa. Alam natin ang nangyari na Holocaust o ang sinasabing "The Final Solution" ni Adolf Hitler para lipulin ang lahat ng mga Hudyo. Pero hindi natin nakita kung ano ang nangyari doon sa Japan, lalo na ang Nagasaki at Hiroshima nang bombahin sila ng 'atomic bomb.'
Ipinakita ba sa atin ang mga video na kung saan madaming mga tao ang naputulan ng paa at kamay, ang mga bata na sunog na sunog ang mga balat, ang isang lalake na nabutas ang tiyan at lumabas ang bituka. Nakita din ba natin ang mga taong halos natunaw at nagkadikit-dikit na? Umpisa pa lang iyan.
Sumunod ang Vietnam War. Walang kaalam-alam ang mga mamamayan ng Vietnam sa kung anong nagawa nila at bakit sila inaatake ng Amerika. Kitang-kita sa mga video kung paano sinira ng mga pambobomba ng mga Amerikano ang mga palayan, mga gubat, mga kabahayan at pati ang pambobomba sa mga sibilyan na lumilikas lamang palayo sa gulo. Kitang-kita mo kung paano magkalasug-lasog ang kanilang katawan.
Isa pa sa maituturing na hindi isang giyera kundi sobrang paninikil sa karapatang pantao ay ang Tianmen Square Massacre sa China noong taong 1989. Libu-libong mga estudyante ang noo'y matahimik na nagpoprotesta nang bigla nagpadala ng mga sundalo ang Chinese gov't upang supilin ang nasabing kilos-protesta. Ang mga sundalo ay kung saan-saan bumabaril at kita mo kung paano bigla na lamang bumubulagta ang mga nagpo-protesta habang patuloy sa pagpapaputok ang mga sundalo. Wala namang magawa ang mga estudaynte kundi tumakbo. Imbis na tumigil pa ang mga sundalo sa pagbaril, hinabol pa nila ang mga ito at parang mga laruang pinagbabaril.
Ang isa pa sa isang 'di ko malilimutan sa dokumentaryo na hindi pa namin natatapos ay ang digmaang sibil na nangyari sa Rwanda. Isang genocide na ang nangyari kung saan nag-uubusan ang dalawang lahi sa bansang ito. Kitang-kita mo ang mga bangkay na nagkalat sa daan. Ang mga batang nalaslas ang tenga habang tumatakbo. At ang mga sundalo, imbes na pigilin ang nasabing kaguluhan, may kinampihan din sila at siyempre ito ay ang kanilang sariling pinanggalingang lahi. Nagba-bahay bahay sila at pinapasok ito at doon pinagbabaril nila ang mga nakatira doon, walang ititira ni-isa.
Hindi pa namin natapos ang dokumentaryo pero naging sapat na ang mga napanood namin para talagang kamuhian ko ang digmaan. Sa aking pagmumuni-muni, sa mga halimbawa ng giyera na nasa taas, halos lahat ng ito ay sinimulan ng mga Kanluraning bansa.
Unahiin ko na ang Rwanda. Ayon sa aming propesora, ang mga bansa talaga sa Africa ay wala iyan noon. May mga iba't ibang kaharian doon na may sarili nang pamahalaan. Nang dumating ang mga Europeo, gumawa sila ng mapa at pinaghati-hatian ang mga lugar dati at gumawa ng mga borders. Itong Rwanda ay bansa na binubuo ng dalawang tribo. Dati sila ay namumuhay ng tahimik. Hindi sila nagkakaroon ng digmaan. Ngunit sa pagdating ng mga Europeo pinagsama sila bilang isang bansa at ang inilagay nilang pinuno ay nagmula sa isang tribo at halos lahat ng nasa pamahalaan nila ay galing sa tribo na iyon. Ngayon ano pa ang inaasahan mo kung hindi siyempre mas pabor ang mga namumuno sa kanilang pamahalaan sa kanilang pinanggalingang tribo. Doon nagsimula ang away.
Ngayon, sa kwento ng bansang Rwanda. Sino ang naging ugat ng matinding hidwaan na nangyari sa kanila? Ang mga Kanluraning bansa. Sila ang gumulo sa mundo. Gumawa sila ng sinasabi nilang New World Order pero ang 'order' na ito ay naging sobrang pabor para sa kanila. Sila lamang ang nakikinabang. Habang tayo na mga bansang naghihirap, patuloy nilang ginagamit tayo para sa sarili nilang kapakanan.
Ginagamit nila ang mga mahihirap na bansa bilang 'stage' upang ipkita sa lahat ang kanilang military power gaya ng nangyari sa Vietnam. Nanahimik ang mga mamamayan doon. Wala silang kaalam-alam kung bakit may giyera sa kanila. Sinasabi nga na ito ang pinaka-baboy o napakaduming klase ng digmaan sa buong mundo sunod sa WWII. Mga inosenteng bata ang biktima. Mga likas na yaman ay niyurakan.
Magaling din ang mga bansang ito na pagtakpan ang mga kababuyan na kanilang ginawa. Palagi silang may dahilan sa bawat ginagawa nila kahit na hindi naman talaga balido ang dahilan nila.
Hanggang kailan tayo magpapagamit? Hanggang kailan tayo magbubulag-bulagan? Hanggang kailan tayo maniniwala sa mga pinagsasabi nila? Hanggang kailan tayo maniniwala sa FOX News, CNN at mga Western media companies? Hanggang kailan tayo maniniwala sa mga magiging Pangulo ng Amerika?
Ako. Hindi na naniniwala sa kanila. Ikaw?
Image Source: NewsAhead
No comments:
Post a Comment
Leave your comments, reactions and suggestions below.