Ipagpaumanhin ninyo ang matagal ko na pagkawala sa blog na ito. Ipagpaumanhin din ninyo dahil para sa post na ito, bilang pagpupugay sa wikang Filipino at sa huling araw ng Buwan ng Wikang Pambansa, bayaan ninyo akong gamitin ito upang mas mailahad ko ang aking mga saloobin at mga naganap sa nakalipas na tatlong linggo.
---
Naging masyado akong abala nitong nagdaang tatlong linggo sa pagtatrabaho sa aklatan ng CEU Malolos. Marahil batid na ng lahat na ako po ay isang 'student assistant' sa nasabing aklatan. Hindi naman dahil sa ito na lang ang inaatupag ko kundi dahil sa 'Sports Fest' nitong nagdaang linggo at sinulit ko ito para makarami ng oras ng pagduduty. Para sa kaalaman ng lahat, kada oras po ang bayad namin dito.
Isa sa mga ginawa namin nitong nagdaang linggo ay ang pagdaragdag namin ng bagong anyo ang library (sayang at wala akong mga larawan) para naman daw medyo magkaroon ng buhay ang library. Bukod pa ito sa patuloy na ginagawa namin na pagcacatalog ng mga libro at pag-aasikaso sa mga gumagamit ng serbisyo ng library at sa mga 'maiingay' (Oo, library nga siya pero talaga namang parang wala sa library ang ilan sa mga nagpupunta dito.)
At oo nga pala, natanggap ko noong ika-17 ng Agosto ang aking kauna-unahang sweldo. At dahil proud ako na sumweldo ako sa unang pagkakataon narito ang ilang larawan:
Maliit ngunit iba pa rin ang pakiramdam dahil alam mo na pinaghirapan mo ito. :)
---
Naging maganda naman ang resulta ng aking prelims. Pero ang medyo ikinagulat ko ay ang pagkakuha ko ng 1.25 sa isang asignatura na labis ko na kinamuhian nung nasa UP pa ako - Math.
Sabi ng iba, madali lang daw kasi ang Statistics kaya ganun. Pero para sa akin, hindi madali na kalimutan ang sama ng loob at pagkabigo na idinulot nito sa akin noon. Ngunit heto ngayon, ito pa ang asignatura na kung saan ako nakakuha ng pinakamataas na marka.
Isa lang ang masasabi ko: napakabait at puno talaga ng karunungan ang Diyos.
---
Patuloy pa din ako na dinadalaw ng katamaran na magsulat. Maliban sa isang artikulo na aking ipinasa para sa aming school paper, wala pa din akong inspirasyon na makita (o makuha) upang itulak ako na magsulat ulit.
At sa paghahanap ko ng inspirasyong ito, naulit na naman ang mga nangyari sa nakaraan.
Naibahagi ko na sa inyo sa isang dati ko na blog post na noong mga panahong ako'y sobrang nabigo sa pag-ibig, nakapagsulat ako ng mahigit tatlumpung tula. Isang di-pangkaraniwang pagkakataon na noon lamang nangyari sa akin. Wala akong kahilig-hilig magsulat ng tula noon. Ngunit sa sobrang napuno ako noon ng halo-halong emosyon, ibinuhos ko ang lahat ng ito sa mga tula na iyon.
Matapos ang huling tula na aking nilikha para sa nangyaring iyon, natapos ang lahat at ako'y 'nagmove-on.'
Bakit ko ito muling nabanggit? Dahil heto na naman ako sa punto ng pagkalito, pagkalungkot, pagkagalit, pagkainis at pagkabigo dahil sa pag-ibig.
May nagawa siya. May nagawa ako. Pero sa akin ko nakita ang pinakamalaking pagkukulang. At nagawa niya iyon nang dahil sa pagkukulang na ito. Hindi ko na ibabahagi pa ang ibang naganap. Sa amin na lamang ito.
Kami pa rin ba? Hindi ko alam.
---
Ngunit, dahil muli sa mga naganap na ito, nanariwa ang nakaraan. Hindi pa pala ako natututo.
Sabi ng isang kaibigan, kailangan ko daw magdesisyon. Sa mga nakaraang pagkakataon na ginawa ko ito, ako ang laging talo.
Talo dahil sa napakatanga ko. Talo dahil hindi ako marunong makipagrelasyon.
Talo dahil sa mata ng madla, ako ang sumira ng lahat.
Wala pa akong relasyon na umabot ng isang taon. Noon, nangako ako na kung dumating man siya, di ako bibitaw anuman ang nangyari. Pero iba na pala kapag narito na. Mahirap magbitaw ng pangako.
---
Nitong nagdaang Huwebes (Agosto 27), may nakasabay ako na magkasintahan. Kakilala niya ako at malamang binabasa din niya ang aking blog. Nakita ko sa kanila ang 'di pangkaraniwang pagmamahalan na aking pinapangarap noon. Inaamin ko, lubos akong naiinggit.
At lingid sa kanilang kaalaman, umiiyak ang aking kalooban dahil doon ko napagtanto na napaka-immature ko pagdating sa pag-ibig.. na wala akong karapatan na magkaron ng karelasyon dahil hanggang umpisa lang ako.
Mainggit man ako, wala na akong magagawa dahil nangyari na ang lahat.
Sana lang dinggin na Niya ang naging dasal ko kanina.
Amen.