Panawagan kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo

Revised: July 18 2006

Mahal na Pangulo,

Sigurado namang hindi mo ito mababasa o ni makikita man lamang pero dahil blog ko ito, karapatan kong isulat kung ano ang sinasabi ng aking puso.

Narito ang ilan sa aking mga suhestyon mula sa aking satiling pananaw bilang isang Pilipinong nagmamahal sa kanyang bansa.

1. Kung gusto mong matigil na ang mga pag-aalinlangan ng mga tao na talamak ang korapsyon sa iyong administrasyon at hindi mo kinukunsinte ang mga ito, ipahuli mo na si Jocelyn "Joc-Joc" Bolante at ipakulong ng panghabambuhay.

2. Alisin mo sa posisyon sa gobyerno ang lahat ng mga retiradong heneral upang mapatunayan mo na hindi ka "under" nila at hindi ka natatakot sa kanila.

3. Kung hindi ka talaga nandaya sa nakaraang 2004 elections, palabasin mo si Garcillano upang sabihin ang buong katotohanan.

4. Taasan mo ang suweldo ng mga guro. Ipantay mo ito sa suweldo ng mga pulis. Dagdagan mo pa ng budget sa edukasyon. Tulungan pa ang mga guro na paghusayin ang kanilang pagtuturo.

5. Itaas ang budget sa kalusugan. Itaguyod ang modernisasyon ng lahat ng mga pampublikong ospital. Itaas ang sahod ng mga pampuklikong nars at mga doktor. Taasan ang benepisyong makukuha ng mga mamamayan sa PhilHealth.

6. Itaguyod ang pag-alaga sa kalikasan. Pahintuin lahat ng uri ng pagputol ng puno sa loob ng 25 taon at simulan ang 'reforestation' ng ating mga kagubatan.

7. Dagdagan ang badyet para sa research and development. Suportahan ang lahat ng mga imbentor at mga siyentipiko sa ating bansa.

8. Isulong ang modernisasyon ng agrikultura. Pigilan ang mga importasyon ng mga produktong agrikultural lalo ng kung makikipagkompetensiya sa ating mga lokal na produkto.

9. Tulungan ang lahat ng mga maliliit na negosyante na palaguin at palakasin ang kanilang negosyo.

10. Magsagawa ng "massive urban at rural planning" para sa buong bansa.

11. Itaguyod ang paggamit ng mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya. Huwag matakot sa mga kumpanya ng langis.

12. Itigil ang mga masyadong magaganda at halata namang hindi totoo na mga press release. Aminin kung mayroong nagawang pagkakamali at itama ang nagawang ito.

13. Bawasan mo ang badyet ng militar pansamantala. Huwag munang bumiyahe sa labas ng bansa maliban na lamang kung talagang talagang mahalaga ito at para sa ikabubuti ng bansa.

14. Itigil ang walang kwentang idineklara na all-out war sa mga rebeldeng NPA. Sa halip, gamitin ang pobdo upang mapalapit ang mga nasa kanayunan at kabundukan sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapaabot sa kanila ng mga social services na kanilang hinihingi. Ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.

ipagpapatuloy...

Image Source: Kapirasong Kritika



No comments:

Post a Comment

Leave your comments, reactions and suggestions below.