Papel ang pinagsulatan ng article na ito bago mo ito mabasa dito. Kapag may kailangan tayong sulatan, ang unang hinahanap natin ay papel. Hindi natin ito nakikita pero napakahalaga ang papel ng “papel” sa ating buhay. Libu-libong taon na ang nakalipas mula nang maimbento ang papel. Mula noon, naging malaki na ang papel ng “papel” sa lahat ng tao.
Noong isinilang tayo, may malaking bahaging gagampanan kaagad ang “papel” sa ating buhay. Sa isang papel na tinatawag nating birth certificate nakasulat ang ating gagamiting pangalan at ang araw ng ating kapanganakan. Ang papel na ito ay napakahalaga at gagamitin natin hanggang sa tayo ay mamatay. Madalas din na kabilang ito sa mga requirements gaya ng pagpasok sa paaralan. Birth Certificate. Papel.
Simula pa lang kailangan na natin ng papel.
Nang tayo ay nag-aaral na, natutunan natin na sumulat gamit ang “papel”. Natuto tayong magbasa dahil sa mga nakasulat sa mga libro. Marami tayong bagay na natutunan dahil sa ating mga nababasa sa mga libro. Libro. Papel. Marami tayong natutunan na gamit ang papel.
At sa ating pagtatapos sa elementary, high school at kolehiyo, isa na namang “papel” ang may malaking papel na gagampanan sa ating buhay: ang diploma. Ito ang patunay na natapos tayo sa ating pag-aaral. Ngayon dalawa na silang papel, kasama ang birth certificate, na may malaking papel na gagampanan sa ating buhay. Diploma. Papel. Ito na ang patunay na tayo ay nakatapos sa ating pag-aaral.
May pagkakataon na gagamitin natin ang papel, ang mismong papel na naging dahilan upang tayo ay may matutunan, ay gagamitin natin para naman may matutunan ang iba. Sa ganitong paraan, naipapakita natin ang pagbibigay ng pasasalamat at pagpupugay sa papel na nagturo sa atin ng maraming bagay upang ang iba naman ang may matutunan sa pamamagitan ng papel. Papel. Ibabahagi naman natin ang ating mga natutunan.
Isang beses naisipan mong mamili sa isang supermarket. Nang nakabayad ka na sa counter. Inabot sa iyo ng kahera ang resibo ng iyong mga pinamili. Nakita mo na medyo napamahal ang mga binili mo. Kaya sinabi mo sa sarili mo na magtitipid ka na. Resibo. Papel. Simpleng bagay na nagturo sa iyo ng isang aral.
Kapag may okasyon gaya ng birthday o di kaya ay anniversary, ano ba ang inaasahan mo na magdadala ng balita sa iyong mga kamag-anak at kaibigan? Hindi ba’t gagawa ka ng imbitasyon? Ito ang magpapaalam ng mga mangyayari sa okasyong ito. Imbitasyon. Papel. Naging daan para malapit ka sa mga mahal mo sa buhay. Tinulungan ka na naman niya.
Hanggang sa ikaw ay pumanaw na. Nandyan pa rin siya. Kailangan mo na naman siya bilang death certificate. Nakatala naman dito kung ano ang iyong ikinamatay at kailan ito nangyari. Kailangan din ito ng mga kamag-anak mo para makuha ang kanilang makukuhang mga benepisyo mula sa iyo. Death certificate. Papel. Mamatay ka na lang at aalis ka na sa mundo, nandiriyan pa rin siya. Kailangan mo pa rin siya.
Napakaliit na bagay kung tutuusin ang mga ito. At dahil sa sobrang liit, hindi natin naiisip ang kahalagahan nito sa atin. Papel: napakasimpleng imbensyon na may mga simpleng gamit na may mga kumplikadong papel sa ating buhay.
Paano na lang kung hindi ito naimbento? Paano kung naimbento nga ito pero hindi naman ginamit? Saan tayo susulat? Ano ang babasahin natin? Paano tayo matututo? Paano tayo makakapag-communicate sa iba? Paano pa maiimbento ang iba pang bagay gaya ng computer at cellphone kung hindi tayo nakagamit ng papel? Paano ‘di ba?
Papel: maliit na bagay ngunit malaki ang ginagampanan sa ating buhay. Ang papel kasama ng iba pang mga simpleng imbensyon, sana makita natin kung gaano sila kahalaga. Simple lang sila ngunit kapag nawala, malaki ang kanilang epekto sa buhay natin.
Simpleng papel. Hindi ba?
Image Source: The Daily Green (Slideshow Picture)
Galing naman..
ReplyDeleteNice
Ang ganda!!
Ngayon ay mayroon na rin akong maisusulat sa aking papel tungkol sa "PAPEL"