Dear Lord..

Narito ang isang lumang artikulo na nakita ko sa aking documents. Ito siguro iyong ginawa kong article noong mga panahong inis ako, o 'frustrated' sa mga taong.. *uhurm* nangongopya.. Hindi ito lumabas sa school paper natin at siguro dito ko na lang ito ilalabas kasi sayang.. hehe.. basahin na lang ninyo..

---

Matapos ang isang linggo na aking pag-iisip mula noong mangyari ang “violent” na reaksyon ng mga minamahal kong kamag-aral, nandito na ang isang artikulo na hindi kasing tindi noong isa dahil ito ay masasabi nating mas matindi ngunit kakaiba ang pagiging matindi.

Para ito sa lahat, sa mga minamahal kong kamag-aral, sa lahat ng mga nag-aaral, sa lahat ng mga guro, para sa aking minamahal na bayang Pilipinas at higit sa lahat kay Lord na pinagmulan ng lahat ng aking lakas ng loob, lahat ng inspirasyon at ang nagbigay ng aking talento upang isulat ang artikulong ito.

November 28, 2005

Dear Lord,

Una po sa lahat, kumusta na kayo diyan? Marami pa po bang mga nakakaabot diyan sa langit o marami na ang nahuhulog sa impyerno? Sana naman po hindi. Sana lahat po ng namamatay ay nakakaabot diyan. Sana naman po tama pa rin at maganda sa inyong paningin ang lahat ng aming mga pinaggagawa dito.

Pero Lord, magpapasalamat lang po ako dahil patuloy niyo akong binibiyayaan araw-araw. Ito na lamang pong nabubuhay ako ay isa nang malaking biyaya, lalo na po itong nakakasulat pa ng mga ganitong klase ng article na alam ko po na hindi magugustuhan ng nakararami at makakasakit ng mga damdamin.

Lord bakit po ba sila ganoon? Hindi ba sila nakokonsenya sa ginagawa nila. Nasisikmura ba nila ang mga kanilang ginagawa? Hindi ba nila naisip na nasisira ang kanilang buhay? Sinisira nila ang magandang bukas na kanilang haharapin. Marami silang magagandang pangarap. Gusto nilang maging engineer, doktor o kaya maging pinakamayaman sa buong mundo? Pero hindi ba nila naisip na sa ginagawa nilang ito, unti-unti silang nalalayo sa daan patungo sa kanilang mga magagandang pangarap?

Nasayang lang ang kanilang mga pinaghirapan.

Marahil sasabihin nila, “parang ikaw hindi mo ba ginagawa iyon” o kaya ay “hindi ka ba nagkakasala” o kung hindi ay “hindi ka ba nakakagawa ng pagkakamali.” Alam po ninyo iyon Panginoon. Marami akong pagkakasala, hindi ako perpekto. Pero Lord, gusto ko lang po na sabihin sa kanila na palaging may puwang sa pagbabago at saka hindi po ako mag-iingay ng ganito kung kahit na sinabi mo na sa kanila na mali, na alam naman nilang mali, pero paulit-ulit pa rin nilang ginagawa, tama ba naman iyon? Sobrang kapal po ng kanilang mukha. Mas makapal pa po yata sa buwaya. Iyon po bang harap-harapan at talaga naman pong garapalan. Mas matindi pa po yata sa mga politiko dito sa Pilipinas.

Kung iyong mga politiko nga po patago kung gumawa ng katiwalian, pero heto po sila, mga estudyante pa lamang mas matindi pa sa nagnanakaw ng pera. Hindi bale kong manakawan ka ng pera dahil kikitain mo pa iyon, pero iyong ninakawan mo ang iba pagkakataon na malasap ang tagumpay at makita ang bunga ng kanilang dahil sa kanilang mga paghihirap, mahirap na iyon bawiin at hindi mo puwedeng kitain pa.

Haaaaaaaaaayyyy… nakakadismaya po talaga Lord. Mabuti na lang po at may ilan na medyo nagbago na. Kaya talagang iilan lang sila at kakasya ang isang kamay mo para bilangin sila. Siguro sila talaga ang mga taong talagang nakonsensya at naisip na unfair ang kanilang mga ginagawa para sa iba. Sila habang napakadali ng kanilang buhay, iyong iba nagpapakapuyat at naghihirap para lamang makuha ang gusto nila.

Siguro naisip nila na wala naman itong magagawang mabuti para sa kanila. Siguro naisip nila na hindi masarap ang pakiramdam na nakuha mo nga ang gusto mo pero nag-shortcut ka. Sana Lord, maisip ito noong iba. Sana lang po.

Panginoon, sabi ni Jose Rizal, kami ang pag-asa ng bayan. Pero paano po iyong iba? Pag-asa po ba sila o salot? May maitutulong po kaya sila para sa Pilipinas? Lord, hindi ko naman po sinasabi na ako ay isang napakagaling na tao at marami akong magagawa para sa Pilipinas. Tulad rin po nila ako na nagkakamali, nakakagawa ng kasalanan at hindi po ako perpekto. Kung may mali ako i-tama po nila ako, pero dahil may mali sila kaya itina-tama ko sila. Ang sa akin lang po ang tama ay tama at ang mali ay mali. Sobra na ang kanilang ginagawa. Hindi na ito tama. Ayaw kong magkasala dahil sa nagbubulag-bulagan ako sa mali ng aking kapwa. Basta po Lord, sinabi ko na sa kanila ang kanilang mali. Sana po ay matauhan sila. Kung hindi pa rin po at talagang manhid na po sila, Panginoon, kayo na ang bahala sa kanila.

Salamat at natapos din po.

Nagmamahal,

Dennio

P.S. Sana po matupad na ang hinihingi ko sa inyo na… basta po iyon na ‘yon.

Sana, ito ang maging daan para magbago at mamulat kahit ang ilan. Sana lang. Pero kung walang nangyari, basta ako pa lang ang naglakas ng loob na gumawa nito. Bitin pa ito at marami pa. Pero siguro unti-unti tayong magsimula at magbago para sa mabuti. Kahit paunti-unti sana marami ang mabago.

Muli inuulit ko, hindi ako perpekto, tao lang ako na nagkakasala’t nagkakamali pero kapag may hindi nagustuhan, nagsusulat isang article na siguradong dadaan sa butas ng karayom, tatanggap ng sandamukal na batikos at magagalit sa toot na nagsulat ng article na ito. Pasensya na ganito ako eh, respetuhin niyo na lang ang mga sinabi ko at rerespetuhin ko ang gusto niyong sabihin.

Lord bakit po ba sila ganoon? Hindi ba sila nakokonsenya sa ginagawa nila. Nasisikmura ba nila ang mga kanilang ginagawa? Hindi ba nila naisip na nasisira ang kanilang buhay? Sinisira nila ang magandang bukas na kanilang haharapin. Marami silang magagandang pangarap. Gusto nilang maging engineer, doktor o kaya maging pinakamayaman sa buong mundo? Pero hindi ba nila naisip na sa ginagawa nilang ito, unti-unti silang nalalayo sa daan patungo sa kanilang mga magagandang pangarap?

Image copyright by Jose Dennio P. Lim Jr.



No comments:

Post a Comment

Leave your comments, reactions and suggestions below.